Nagsimulang maramdaman sa Pilipinas ang malamig na panahon noong Nobyembre dahil sa Amihan. Bagaman marami ang may gusto ng malamig na temperatura, posible rin itong magdulot ng epekto sa balat ng tao. Alamin kung ano ang mga ito at ano ang maaaring gawin sa pangangalaga sa balat.

Sa GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Dr. Windie Villarica-Hayano, isang dermatologist, na may "grout" ang gilid ng balat na maihahalintulad sa pandikit sa tiles ng isang bahay.

Mayroong moisturizing factor ang gilid ng balat kaya kapag malamig ang panahon, nagiging dry o tuyo ito.

Kapag sobrang dry o natutuyo ang balat, mangangati ito at kakamutin ng tao na maaaring magresulta sa impeksiyon.

Para maiwasan ang panunuyo ng balat, ipinayo ni Dr. Hayano na magpahid ng moisturizer tulad ng mga occlusive, para hindi makalabas ang tubig sa balat, at humectant, na mag-a-attract ng tubig mula sa kapaligiran.

Isang halimbawa ng occlusive moisturizer ang petroleum jelly, lalo na sa chapped lips, samantalang puwede namang gamiting mask ang coconut oil.
Panoorin ang buong talakayan tungkol sa balat sa video.

--FRJ, GMA News