Dahil sa bagong uri o variant ng COVID-19, nagpatupad ng travel restriction ang Pilipinas sa mga mangggagaling sa United Kingdom kung saan ito unang natuklasan. Gaano ka nga ba kadelikado ang bagong uri ng virus?
Bukod sa UK, sinasabing nakarating na rin sa mga bansang Singapore, Hong Kong [China] at Japan ang naturang bagong variant ng COVID-19 na nakita sa UK.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na batay sa mga lumalabas na pag-aaral sa bagong uri ng COVID-19, mas mabilis itong makahawa.
Gayunman, natural daw na nangyayari sa mga virus ang mag-mutate at magkaroon ng bagong uri.
Pero kumpara sa orihinal na klase ng virus, may mga pag-aaral umano na lumilitaw na hindi nagdudulot ng mas malalang sintomas o sakit ang naturang bagong variant ng COVID-19.
Samantala, bagaman may mga ulat din na dumadami ang mga bata sa UK na dinadapuan ng COVID-19, wala pang opisyal na resulta ng pag-aaral na ang bagong variant ng COVID-19 ang may kagagawan nito.
Ipinaliwanag din ng opisyal na katulad din ng dati ang paraan ng transmission o paraan ng paghawa ng virus na sa pamamagitan ng droplets tulad ng pagsik ng laway at pag-ubo.
Kaya payo niya, panatilihin pa rin ang pag-iingat at pagpapatupad ng mga health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay na may sabon at mga disinfectant.
Sa ngayon, wala pang ulat kung nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng COVID-19, at pag-uusapan umano ng mga kinauukulang ahensiya kung dapat na ring magpatupad ng travel restriction sa mga bansang nakapasok na bagong uri ng naturang virus.
Panoorin sa video ang buo nilang pagtalakay sa naturang isyu.--FRJ, GMA News