Ang karahasan ay tapatan natin ng pag-ibig at kahinahunan (Mt. 5:38-42).
Base sa batas, kultura at tradisyon ng mga Judio, mahigpit nilang ipinapatupad at pinaiiral ang tungkol sa paghihiganti o "mata sa mata" at ngipin sa ngipin."
Ang ibig sabihin nito, gagawin sa kapwa kung ano ang kasamaang ginawa sa kaniya o tatapatan ng kahalintulad na paghihiganti.
Kapag ikaw ay sinaktan, kailangan mo rin saktan ang nanakit sa iyo. Ito ay kung pagbabatayan natin ang batas na pinaiiral ng mga Judio.
Subalit iba ang batas na nais ipairal ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa Mabuting Balita (Matthew 5:38-42).
Itinuturo ni Jesus sa mga tao na: "Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo."
Taliwas sa katuruan ng mga Judio, ang nais ni Kristo ay tapatan natin ng kabutihan ang kasamaang ginawa sa atin ng iba. Sa halip na gantihan ang isang taong nang-api sa atin, ang nais ni Jesus ipinakita sa kanila ang pag-ibig, pang-unawa at kahinahunan.
Ang paghihiganti ay hindi sa pamamagitan ng "mata sa mata o ngipin sa ngipin," o ang pisikal na paghihiganti. Sa halip ay pairalin ang pag-ibig, pang-unawa at pagpapatawad.
Pero kasabay ng awa at pagpapatawad, dapat pa rin naman umiral ang hustisya ng batas lalo na sa mga sagad sa butong kasalanan na nagawa ng isang tao.
Kung paiiralin kasi ang mentalidad na paghihiganti na "ngipin sa ngipin" at "mata sa mata," ano na lamang ang mangyayari sa isang bansa at sa isang lipunan kung sa bawat kaapihan ay tatapatan ng karahasan?
Nanaisin mo bang mamuhay sa isang lipunan ang umiiral ang "kultura ng karahasan?" Isang lipunan na walang kasiguraduhan ang kapayapaan at sa halip ay galit ang namamayani.
Minsan ang tapang ng tao ay walang katuturan sapagkat batid niyang walang kakayahang lumaban ang kaniyang pinag-iinitan.
Subalit sa ating Ebanghelyo, ang tao na tunay na matapang at matalino ay iyong umiiwas sa gulo, nagpapakumbaba at ipakikita ang kabutihan sa kasamaang ginawa sa kaniya ng kapwa.
Ang taong tunay na matapang ay may pananampalataya at sumusunod sa aral ng Panginoon, at marunong tumanggap ng kaniyang mga pagkakamali.
Ang galit kapag sinuklian ng galit ay karahasan ang resulta na ikasisiya ng diyablo. Pero ang galit na sinuklian ng pag-ibig, pang-unawa, at kahinahunan ay magreresulta ng kapayapaan na siyang nais ng Panginoon. AMEN.
--FRJ, GMA News