Sa programang "Tunay Na Buhay," ibinahagi ng tinaguriang duktor ng masa na si Doc Willie Ong na nakaranas din siya noon ng depresyon na nagsimula nang pumasok siya sa medical school. Ipinaliwanag niya na dalawang uri ng depresyon na tinatawag niyang "Small D" at "Big D."
"Yung mga 'small D,' yung nalungkot ka lang, may problema. Tapos yung mood minsan bad mood," saad niya sa kay Pia Arcangel, host ng programa.
"Pero yung major depression [big D] minsan hindi ka na makatrabaho, hindi mo na magawa yung aral mo. Tapos disconnected ka sa tao. Tapos mayroon ding mga panic attacks," patuloy niya.
Kasama rin sa mga palatandaan ng matinding depresyon ang "abnormal" na ugali tulad ng walang ganang kumain o kaya naman ay kain nang kain; hindi makatulog o kaya naman ay tulog nang tulog.
Indikasyon din umano na nakararanas ng depresyon ang taong patuloy na makararamdam ng kalungkutan kahit pa maganda at masaya ang lugar na kinaroroonan.
Ipinaliwanag din ni Doc Willie na hindi nangangahulugan na isang bagay o isang usapin lang ang bumabagabag o tumatakbo sa isip ng isang tao kaya siya nakararanas ng depresyon.
Naranasan daw ni Doc Willie ang depresyon mula edad 25 hanggang 38 mula noong nag-aaral siya ng medisina. Pero unti-unti raw itong naglago nang makilala niya si Doc Liza Ramoso, na kaniyang naging asawa.
"Actually sa una medyo mataray talaga ito eh. No boyfriend since birth, mahirap ligawan. Every time na lalapit ka, tumatakbo, mabilis siyang tumakbo eh," kuwento ni Doc Willie.
Hinangaan ni Doc Willie ang laging pagsisimba ni Doc Liza, ngunit tila ayaw sa kaniya nito.
"Actually kahit noong nanliligaw ako sa kaniya, bandang huli parang ayaw niya eh. So noong isang time sinabi ko sa kaniya, 'Pag ayaw mo talaga, hindi na kita tatawagan. Kailangan 'yung next move ikaw na.' That's it eh, nagawa ko na ang lahat eh," anang doktor.
"Naghiwalay kami mga three months. After three months, swerte naman na-miss niya ako, siya ang sumulat," sabi ni Doc Willie.
"Mabait siya, matalino. Sabi ko 'Good boy naman 'to. Una sa lahat masipag 'yan at saka focused siya. Talagang 'pag sinimulan tatapusin," sabi ni Doc Liza.
Ngayon, katuwang na ni Doc Willie si Doc Liza, kung saan mahigit limang milyong subscribers sa YouTube ang umaantabay sa kanilang tips pangkalusugan.
Tunghayan sa video ang buong panayam kay Doc Willie. --FRJ, GMA News