Sa pagpapatupad ng busway system sa EDSA,  tila lalo pang bumigat ang daloy ng trapiko sa naturang lansangan dahil isinara ang ilang U-turn slots. May solusyon pa nga ba ang problemang ito lalo na ngayong papalapit na naman ang Pasko?

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Huwebes, inilahad ni Bong Nebrija, hepe ng Traffic Operations sa MMDA, na kabilang sa planong gawin sa EDSA ang maglagay ng elevated busway.

“Magkakaroon tayo ng elevated busway. We will be identifying portion of EDSA where we could designate a U-turn slot,” anang opisyal.

“Sa U-turn slot na 'yun, gagawa tayo ng elevated busway. Sa ibabaw dadaan 'yung bus. ‘Yung ilalim gagamitin naman ng private vehicles to take that U-turn,” patuloy niya.

Sa naturang sistema, hindi na mahaharangan ng mga sasakyang mag-u-U-turn ang mga bus na dapat ay dire-diretso ang biyahe.

Dahil sa pagsasara ng U-turn slot sa EDSA, inirereklamo ng mga motorista na naging malayo ang kanilang pag-iikutan at lalong napuno ng mga sasakyan ang EDSA dahil sa naging limitado ang lugar na kanilang lulusutan.

Gayunman, sinabi ni Nebrija na hindi pa maisasagawa sa ngayon ang elevated busway dahil patapos na ang taon at kakailanganin pa ang pondo.

Aminado rin ang opisyal na nagdulot din ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang pagsasara ng ilang U-turn slot tulad ng nasa North Avenue hanggang Balintawak.

“Yung mga volume ng vehicles, motorista who are taking the five U-turns na sinarado natin. They're building up doon sa pinaka-end to end ng ating big loop that is in Balintawak Cloverleaf and the other one is in Quezon Avenue,” pag-amin ni Nebrija.

Asahan na rin daw ang paglala ng trapiko sa mga susunod na linggo, pero umaasa siyang mababawasan din ito kapag nasanay na ang mga motorista sa bagong sistema tulad ng mga bagong lulusutan ng mga sasakyan.

“Marami pa rin sa ating mga kababayan, siguro, they do not see the sign. They do not know the configuration of EDSA now,” paliwanag niya.

Alamin ang iba pang plano ng MMDA para mapabuti ang daloy ng trapiko sa EDSA. Panoorin ang buong panayam kay Nebrija.--FRJ, GMA News