PAALALA, SENSITIBO ANG ILANG EKSENA SA VIDEO.

Ang paghina ng pananampalataya ay maaari umanong samantalahin ng mga masasamang espiritu at posibleng humantong sa sanib o demonic possession.

Ibinahagi sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ng dalawang nagsasagawa ng exorcism o pagtataboy ang masasamang espiritu, ang ilang kaso na kanilang hinawakan sa Ozamis.

Naitabi ito ng Office of Exorcism of Deliverance Ministry sa ilalim ng Immaculate Conception Metropolitan Cathedral ng Ozamis City, Misamis Occidental. Kabilang sa mga kaso ang isang babaeng sinapian at diumano ay nagtangkang mag-levitate o lumutang.

May kaso rin silang hinawakan tungkol sa isang babae na nabiktima ng "incubus," at isang dalagita na biglang nakapagsalita ng "latin" habang pinapalayas nila ang sumanib sa katawan nito.

Ang naturang deliverance ministry ay kinikilala umano ng Simbahang Katolika, at humawak na napakaraming kaso ng demonic possession, at ilan sa mga ito ay kanilang naidokumento.

Kilalanin ang mga deliverance ministers na si Bro. Wendell at Dr. Dino, at panoorin ang ilan sa mga kaso na kanilang hinawakan na hindi nila makalilimutan.

Si Dino na isang duktor, aminadong may mga pangyayaring mahirap ipaliwanag ng siyensiya.

Papaano nga ba nila nalalaman na ang tao ay sinasaniban talaga at hindi lang basta mayroon sakit sa pag-iisip? Ano ang kanilang pangamba para sa kanilang sarili sa pagharap sa mga kampon ng kadiliwaman, at ano ang mga sandata nila upang magpalayas ng demonyo na sumanib sa katawan ng tao?

Paalala, sensitibo ang ilang eksenang mapapanood sa video.

--FRJ, GMA News