Sa halip na tuluyang magpakalugmok matapos mawalan ng trabaho bilang flight attendant dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic, pinili ni Maurice Maureen Avila na bumangon at iwagwag muli ang kaniyang mga pakpak sa tulong ng pagtitinda ng LPG ( liquefied petroleum gas).
Kung dati ay maleta na may lamang mga damit ang hinahatak ni Maurice patungo sa kaniyang biyahe kaugnay ng trabaho niya bilang flight attendant, sa kaniyang Facebook, tangke ng LPG na nasa troley ang ipinakita niyang hawak niya.
Sa kaniyang post, sinabi ni Maurice na isa't kalahating buwan na siyang walang trabaho.
"YES. I AM ALREADY UNEMPLOYED. I AM NOT A FLIGHT ATTENDANT ANYMORE. AND I DON’T HAVE THE WINGS ANYMORE...," saad niya.
"It took me so long to accept and post this in social media. Madaming nagtatanong sakin pero hndi ko nirereplyan. Kase nahhiya ako. Kase feeling ko nagfail ako sa buhay," patuloy niya.
Inamin ni Maurice na labis siyang nalungkot at iniyakan niya ang pagkawala ng kaniyang trabaho na kaniyang pinangarap, at tumutulong sa kaniyang pamilya.
"Gabi-gabi tinatanong ko ang Diyos, 'Bakit kailangan mong kunin yung pangarap na pinaghirapan ko?,' pahayag pa niya.
Dalawang linggo raw niyang ininda ang sakit ng pagwala ng kaniyang trabaho na kaniyang iniyakan sa umaga at gabi. Nawalan din daw siya ng ganang kumain.
Pero sa huli, natanggap na niya ang sitwasyon at kailangan niyang lumaban, bumangon, at muling mangarap.
"HINDI DAPAT IKAHIYA NA NATANGGAL KA SA TRABAHO. To others na nawalan din ng trabaho during this Pandemic, don’t lose hope. Narealize ko sa one and half month, na kahit anong gusto natin sa buhay kung hndi naman talaga yun ang plano ni Lord, kukunin at kukunin nya yun sayo," payo niya.
Mensahe pa niya sa mga kapwa niya flight attendant na nawalan din trabaho dahil sa pandemic, "Kita kits tayo sa pila sa Grand Hiring. Sabay sabay tayong mangarap uli, sabay sabay tayong lilipad uli!" --FRJ, GMA News