Sa kabila ng pagiging epektibo umano na pamatay ng bacteria, naging usap-usapan ang paggamit ng UV light bilang disinfectant nang mapaulat na namaga at namula ang mga mata ng ilang taga-media nang dumalo sila sa demonstration ng mga UV-C disinfecting robot sa Baguio City. Gaano nga ba kaligtas sa mga tao ang paggamit ng UV light?
Sa programang "Pinoy MD," sinabing nanlalabo at nananakit ang mga mata ng ilang atendee matapos ang naturang coverage sa Gabuio. Ikinuwento pa ng isang miyembro ng media na nakaramdam siya ng tila mabuhangin o bubog sa loob ng kaniyang mata.
Ayon kay Dr. Jay Racoma, opthalmologist sa Makati Medical Center, mabisa talagang pamatay ng virus at bacteria ang UV light dahil binabago nito ang kanilang genetic material para hindi na sila dumami pa.
Gayunman, ganito rin ang magiging epekto sa sino mang tamaan nito.
"The effect of UVC radiation is the same way as the effect of the sun causing sunburn on our skin," ayon kay Racoma. "This is the conjunctiva and the front part of the eye, the cornea, these are the ones that can get affected and usually get damaged by the UVC radiation."
Gayunman, may mga tamang paraan umano sa paggamit ng UV light para makaiwas sa disgrasya. Alamin sa video kung paano. Panoorin.-- FRJ, GMA News