Nauna nang inilahad ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos na posible ang airborne transmission ng COVID-19 sa ilang sitwasyon. Dapat nga ba itong ikabahala ng publiko?

Sa "Unang Hirit" nitong Miyerkoles, sinabi ni Edsel Salvana, Director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng University of the Philippines Manila-National Institutes of Health, na hindi naman ito dapat ikaalarma dahil ang pangunahing sanhi pa rin ng pagkahawa sa COVID-19 ay ang droplet na nakuha sa layong isang metro.

Halimbawa na rito ang mga lugar tulad ng elevator o isang restaurant na may COVID-19 positive na nakatapat sa aircon kaya matatangay ng hangin ang ibubuga ng kaniyang bibig kung walang face mask at face shield.

Ipinayo ni Salvana na iwasan ang mga lugar na hindi maganda ang ventilation, at siguraduhing may face mask at face shield.

Dagdag pa ng doktor, hindi masyadong mahahawa ang isang tao kung kaunti lang ang COVID-19 virus na nasa ere dahil sa tinatawag na "inoculum" o bilang ng virus na kailangan para magkasakit ang isang tao.

"Kahit sabihin natin 'yung places na hindi masyadong maganda ang ventilation, as long as naka-mask ang mga tao, very little ang virus na makakalabas at makakahawa," sabi ni Salvana.

Panoorin sa video ang buong talakayan tungkol sa isyu.  --FRJ, GMA News