Hindi natin kailangang magpayaman para lamang maunawaan ang nais ng Diyos para sa atin.

Kapag umaalis tayo at pupunta sa malayong lugar para mamasyal o tungkol sa trabaho, kabilang sa mga ginagawa natin ang magbaon ng mga damit, panggastos at iba pang mga importanteng bagay.

Pero sa Mabuting Balita (Lk. 9:1-6), nang isugo ni Panginoong Jesus ang Kaniyang mga Disipulo at binigyan sila ng kapangyarihan at pahintulot para magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng mga demonyo at mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, wala Siyang binabitbit sa kanila.

Sinabi ni Jesus sa mga Disipulo, "Wag kayong magdala ng kahit ano sa lakad niyo. Walang tungkod, walang bag, tinapay, pera o ekstrang mgadamit."

Ang ibinilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay taliwas sa gagawing paghahanda ng isang taong maglalakbay sa napakalayong lugar. At sinunod ng mga Disipulo ang bilin sa kanila.

Lahat tayo ay binigyan ng Panginoon ng misyon katulad ng mga Disipulo. Isang tungkulin hindi lamang para sa Diyos, hindi lamang para sa ating sarili bagkos kundi para din sa ating kapwa.

Sa pagganap ng misyong ito, may mga bagay ang kailangan nating alisin o pansamantalang ihiwalay sa ating mga sarili upang magampanan nating mabuti ang tungkuling iniatang sa atin ng Panginoon.

Kung minsan kasi, ang mga bagay na ito ang nagiging sagabal o hadlang kaya hindi natin maunawaan ang nais ng Panginoon para sa atin. Masyado kasi tayong nakatutok sa mga bagay na ito na sobra nating pinahahalagahan.

Ang mga yamang makalupa, salapi at materyal na bagay ang kadalasang sumisira ng ating relasyon sa Panginoong Diyos.

Ang sobrang pagkahumaling ng tao sa mga bagay na ito ang pangunahing dahilan kaya nawawalan tayo ng panahon sa Diyos at makakalimutan natin na mayroon pang mas mahalagang bagay ang kailangan nating gampanan dito sa mundo;  hindi ang magpayaman at magkamal ng maraming salapi.

Kaya mababasa sa Ebanghelyo na pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang misyon. Sapagkat ang nais ng Panginoon, sa halip na yamang makalupa ang baunin ng  kaniyang mga Disipulo ay pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos na hindi sila pababayaan.

Batid ng Diyos ang ating mga pangangailangan dito sa ibabaw ng lupa. Batid niya na kailangan natin ng mga bagay para tayo mabuhay. Hindi niya ipagdadamot ang mga ito, kailangan lamang nating magtiwala sa kaniya.

Ang akala kasi ng ilan sa atin na ang pangunahing misyon natin dito sa lupa ay magpayaman, mag-impok ng maraming kuwarta at magpakalunod sa kaligayahan.
Nakalimutan natin ang pangunahing misyon na maging instrumento ng Panginoon para sa ating kapwa. Sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila at pagkakaloob ng pag-ibig sa bawat isa.

Hindi natin nauunawaan ang ating misyon kung masyadong nakatuon ang ating atensiyon sa ating pansariling interes. Inuuna natin ang ating pansariling kapakanan kung papaano pa madadagdagan ang ating kayamanan.

Itinuturo ng Ebanghelyo na bago natin unahin ang ating sarili ay kailangang isipin natin kung ano ba ang makabubuti rin para sa ating kapwa.

Ang kailangan natin baunin ay tiwala. Iyon lamang at wala nang iba pa.

Manalangin tayo: Panginoon namin. Turuan mo po kaming magtiwala sa inyo sa halip na ibuhos namin ang aming buong tiwala sa mga materyal na bagay na kumukupas, nasisira at nauubos. Panginoon nawa'y magampanan namin ang aming tungkulin Sa'yo at sa aming kapwa nang may buong pagtitiwala sa Inyo.

AMEN.

--FRJ, GMA News