Kapag mayroon kang minamahal, ibibigay mo ang lahat para sa kaniya, isusuko mo sa kaniya ang lahat pati na ang iyong tiwala. (Matt. 16:21-27).

Ganito ang tema na ating mababasa sa Mabuting Balita (Matt. 16: 21-27) patungkol sa paanyaya ni Pangulong Jesus na kung sinoman ang may nais na sumunod sa Kaniya, kailangan niyang kalimutan ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang krus.

Kung sinoman ang may nais na maging tagasunod ng Panginoon, ang una niyang dapat gawin ay kalimutan ang luma niyang buhay. Kalimutan ang makasalanan niyang buhay at isuko ang kaniyang buong sarili sa Diyos.

Isusuko niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang may buong pagtitiwala. Sapagkat hindi tayo maaaring sumunod kay Kristo kung ang buhay pa rin natin ay luma at makasalanan.

Hindi maaari ang "doble cara," na ang ibig sabihin ay ang isang bahagi ng ating pagkatao ay gumagawa ng kabutihan; at ang kabilang kalahati naman ay gumagawa ng mga bagay na labag sa utos ng Diyos.

Kung talagang mahal natin ang Panginoon, ibibigay at isusuko natin ang lahat ng nasa atin nang buong puso, buong kaluluwa, nang buong lakas at nang buong pag-iisip.

Bukod sa pagsuko ng ating sarili sa Panginoong Jesus, inimbitahan din Niya tayo na pasanin ang ating krus. Ang krus ay mayroong dalawang bahagi--isang pataas o patayo at isang pahalang.

Ang pataas o patayong bahagi ng krus ay nakaturo sa langit. Samantalang ang pahalang na bahagi ay nakaturo sa kaliwa at sa kanan.

Kung ang pahalang na bahagi ay pipihitin, ito ay magtuturo sa lahat ng direksiyon. Ang ibig sabihin, sa lahat ng tao na nasa ating paligid--sa kaliwa, sa kanan, at maging sa ating likod at harapan.

Kung nais nating sumunod kay Kristo, kailangan nating pasanin ang ating krus, na ang kahulugan ay kailangan nating mahalin ang Diyos nang buong puso, buong lakas, buong kaluluwa at buong pag-iisip. Gayundin ang pagmamahal sa ating kapwa nang tulad sa ating sarili.

Alalahanin natin na si Jesus ay nagpasan din ng Kaniyang sariling krus. Ito ay ang krus ng pagmamahal Niya sa Kaniyang Diyos Ama at sa mga taong pinagaling at tinuturiun Niya noong siya ay nandito pa sa ibabaw ng lupa.

Ito ay isang paanyaya sa atin ni Jesus na handa ba nating itaya ang ating sarili para sa Diyos? Nakahanda ba tayong magtiwala sa Kaniya nang buong puso.

Nakahanda rin ba tayong pasanin ang ating krus sa pamamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.

Subalit may mga tao ang hindi kayang isuko ang kanilang sarili sa Diyos. Mas ninanais pa nilang isuko ang kanilang panahon upang magkamal ng kayamanan sa ibabaw ng mundo.

Winika nga ni Kristo sa isang pagbasa, ano ba ang mapapala ng isang tao kung makuha man niya ang buong mundo pero mawawala naman ang buhay niya?

Ating isaisip tuwina na walang saysay ang lahat ng materyal na bagay kapag atin nang nilisan ang mundong ibabaw.

AMEN.

--FRJ, GMA News