Maging handa tayo anomang oras at araw dahil hindi natin alam kung kailan darating ang Panginoon. (Matt. 24:42-51)
Natatandaan ko noong ako ay nag-aaral pa sa Kolehiyo. Kung kailan malapit na ang examination ay doon pa lamang ako nagkukumahog mag-aral. Siguro normal na talaga sa mga estudyante ang maghabol kapag last minute.
Ganito ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon (Matt. 24:42-51) tungkol sa paalala ni Jesus na maging handa tayo dahil hindi natin alam kung kailan darating ang Panginoon.
Inihalintulad ni Hesus ang pagdating ng Panginoon sa hindi tiyak na pagsalakay ng isang magnanakaw sapagkat kung alam ng may-ari ng bahay kung kailan sasalakay ang kawatan ay mapaghahandaan niya ito.
Sino ba sa atin ang nakatitiyak o nakababatid kung kailan darating ang kamatayan ng isang tao? Pero ang tiyak, ang ating buhay ay hiniram lamang natin sa Diyos. Huwag din kalimutan ang sinasabing "Second Coming" o muling pagdating sa lupa ng Diyos.
Kaya pinaaalalahanan tayo ng Mabuting Balita na maging handa tayo. Ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at paghatid ng pag-ibig sa ating kapwa.
Ito ang lumalarawan sa mga tao sa Ebanghelyo na walang sinayang na pagkakataon upang gumawa ng matuwid at kaaya-aya sa paningin ng ating Panginoon.
Samantalang may mga tao naman na nagpapakaligaya ng lubos dahil naniniwala na ang buhay ay hindi pahabaan kung hindi pasarapan. Masyadong kampante at hindi siniseryoso ang pananampalataya sa Diyos.
Para sa kanila, mas mahalaga ang makalupang kaligayahan, mga kumikinang at mapang-akit na materyal. Mas pinipili nilang magpakasasa at magpakaligayan sa ibabaw ng lupa kaysa sa buhay na walang hanggang na ipagkakaloob ng Diyos.
Nagpapakasasa sa materyal na kayamanan na sandaling mawala o maubos ay hirap na hirap silang tanggapin. Ang kahahantungan ay matinding kalungkutan at depresyon, na parang bang wakas na ng kanilang mundo at buhay. Dahil ang akala nila, ang mga materyal na bagay ang pinakamahalaga sa sa buhay.
Laging tandaan na hindi natin madadala sa kabilang-buhay ang anumang materyal na bagay na ating iipunin sa ibabaw ng mundo. Ang mga bagay na iyan ay maiiwan natin ay maaaring pagmulan pa pag-aaway ng mga mahal natin sa buhay kung hindi natin maipapakita sa kanila ang tamang pagmamahal.
Hindi iyan ang klase ng paghahanda na nais ng Panginoon para sa atin. Ipinapaalala ng Ebanghelyo na magiging handa lamang tayo kung gagawin natin ang ating mga obligasyon bilang Kristiyano, bilang mga anak ng Diyos, at bilang mga kalarawan o kawangis ng Panginoon.
Ito ay ang pagpapaalala at pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Ito ang magiging tiket natin upang makapasok tayo sa Kaharian ng Diyos. Sabi nga sa Mabuting Balita, walang nakakatiyak kung kailan darating katapusan ng isang tao. Ang buhay natin ay hiram lamang.
AMEN.
--FRJ, GMA News