Bukas daw ang Commission on Higher Education (CHED) na isama sa curriculum ng mga "adolescent student" ang pagtuturo sa paggamit ng birth control, alinsunod sa isinusulong na panukalang batas sa Senado.
Sa Senate Bill No. 1334 o "Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2020," na iniakda ni Sen. Risa Hontiveros, tinukoy na ang mga adolescent ay nasa edad na 10 hanggang 21.
Ayon kay CHED chairperson Prospero de Vera III, pag-aaralan nila kung saang asignatura maaaring isama ang pagtuturo ng paggamit ng birth control kapag naging batas ang panukala sa Senado.
“The concern of the commission is on how it can be integrated and in what subjects it can be integrated. That can be studied and implemented if that is approved by Congress,” saad niya.
Nang pag-usapan sa plenaryo ng Senado kamakailan ang panukala, sinabi ni Hontiveros na maaaring ituro ang paggamit ng birth control sa mga subject na science o social studies.
Layunin umano ng kaniyang panukala na gawing institutionalize ang pambansang patakaran sa pagpigil sa maagang pagbubuntis o teenage pregnancies.
READ: More girls aged 10-14 get pregnant in the Philippines —POPCOM
Bahagi umano nito ang pagtuturo sa mga kabataan ng kaalaman at pagpilian pagdating sa tamang edad ang tungkol sa pagpaplano ng pamilya, at kung papaano maiiwasan ang hindi planadong pagbubuntis at pagkakaroon ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik.
Pero tanong ni Senate President Tito Sotto, hindi raw kaya maging daan din ito na parang tinuturuan ng "promiscuity" o pakikipagtalik kung kani-kanino ang mga kabataan kung magkakaroon sila ng kaalaman kung papaano ang mabisang paggamit ng contraceptives o pang-birth control.
Paliwanag ni Hontiveros; "It promotes abstinence as a positive choice and it also teaches adolescents how to prevent pregnancy and sexually transmitted infections should they engage in sexual activities."
Nilinaw din ng senadora na hindi mangangahulungan na papayagan na ang pamimigay ng contraceptives sa mga paaralan.
Sa isang pahayag noon ng Commission on Population and Development (POPCOM) and the Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD), sinabing isa sa bawat 10 Pinay na nasa edad 15 hanggang 19 ang naging ina na.
Sa datos umano ng Philippine Statistics Authority, lumilitaw din na mayroon mga babae na nagkakaroon na ng anak sa napakamurang edad na 10. Bukod dito, sa nakalipas na limang taon ay tinatayang 200,000 na kabataang babae umano ang naging first-time mother.
Kaya naman nanawagan sila sa mga opisyal at mambabatas na gumawa ng hakbang para tugunan ang problema.--FRJ, GMA News