Dahil mas tumindi ang hirap ng kanilang buhay nang mawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic, ilan sa mga nawalan ng pagkakakitaan ang napilitan nang ilako o ibenta ang kanilang bato o kidney sa pamamagitan ng social media.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” kuwento ni “Gardo,” hindi niya tunay na pangalan, katatapos lang na mapaso ang lisensiya niya bilang guwardiya at maghahanap sana ng bagong trabaho nang ipatupad ang lockdown.
Dahil walang trabaho sa nakalipas na limang buwan, nabaon na si Gardo sa utang kaya naisipan niyang ibenta na lang ang isa niyang bato.
Nawala rin ng trabaho sa karerahan si “Macoy,” hindi niya rin tunay na pangalan, at nauwi rin siya sa pagbebenta ng bato sa isang Facebook group.
Kapag may nakitang interesado, pag-uusapan nila ang transaksiyon sa private message.
Ayon kay “Macoy,” umaabot sa P350,000 hanggang P450,000 ang bentahan umano ng bato.
“Gagamitin ko sa maliit na negosyo. Kahit maliit na karinderya lang. Alam kong bawal, pero ite-take ko na lang iyong risk. Hindi ako matatakot magbenta ng kidney kahit pandemic ngayon dahil kailangan na kailangan ng pamilya ko dahil wala kaming pangkabuhayan,” ayon kay Macoy.
Ang ama ng babaeng itinago sa pangalang "Lisa,” may Stage 5 chronic kidney disease at kailangan nang sumailalim sa kidney transplant.
Nanawagan umano siya ng tulong at nag-post sa isang Facebook group at kaagad daw may tumugon sa kaniya na handang magbenta ng kanilang bato.
“Nag-approach sa akin siguro more than 10. ‘Yung mga nakausap ko, mga hinihingi nila sa amin ay Php 350,000-500,000,” saad niya.
Pero paalala ng National Kidney Transplant Institute (NKTI), bawal at peligroso ang pagbebenta ng bato.
"Hindi lang siya medikal na problema, it's actually a social problem. Ang ugat ng pagbebenta ng kidneys ay kahirapan, poverty. Wala namang nagbebenta ng kidney na mayaman," ayon kay Dr. Benita Padilla ng NKTI.
Si “Emil,” hindi niya tunay na pangalan, nagbenta ng kaniyang isang bato sa halagang P300,000 noong Marso.
At dahil isa na lang ang kaniyang bato ngayon, hindi maiwasan ni Emil na mag-alala para sa sarili niyang kaligtasan ngayong may pandemic.
Isang kaibigan daw niya ang naghikayat sa kaniya na magbenta ng bato noong nakaraang Setyempre. At dahil sa kagustuhan na makapagnegosyo at magkaroon ng bahay, pumayag si Emil.
Nagamit niya ang kinita sa pagbebenta ng bato upang makabili ng maayos na matitirhan sa halagang P94,000 at isang tricycle sa halagang P70,000.
Pero nang magkasakit ang kaniyang anak, napilitan siyang ibenta ang kaniyang tricycle sa mas mababang halaga. At sa loob lang ng isang buwan, naubos na ni Emil ang kinita niya sa pagbebenta ng kaniyang bato kaya balik siya sa pagtitinda sa kalye.
“Kung meron naman akong maayos na trabaho, hindi ko rin naman po sana ibebenta ‘yung kidney ko,” ayon kay Emil. “Minsan lumilipas po ’yung araw na hindi kami nakakakain. Gusto ko naman na maiahon sila. Kahit ano po ang kapalit."
Sa isang pahayag na ipinadala sa "KMJS," sinabi ng tagapagsalita ng Facebook na may patakaran sila na ipinagbabawal ang bentahan ng regulated goods sa kanilang platform, pati na ang human organs.
Sinabi pa ng Facebook na inalis na nila ang pages o groups na nagaganap ang naturang transaksiyon.
Sa isang survey ng Social Weather Station nitong July, sinabing 45.5% ng adult labor force, o tinatayang 27.3 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemic.– FRJ, GMA News