Sa harap ng pandemyang dulot ng COVID-19, inaasahan naman ang pagtaas ng kaso ng malnutrisyon lalo na sa mga bata tulad sa Pangasinan dahil hindi naisasagawa ang mga feeding program.
Sa special report ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing kabilang ang mga anak nina John Albert Garcia at Jobelle Alvendia, ng Brgy. Pangapisan North sa Lingayen, ang minomonitor ang mga lokal health official.
Lumilitaw umano sa pagsusuri na "undernourished" ang mga bata o kulang sa nutrisyon.
Nagtatrabaho bilang tricycle driver si Garcia, pero nawalan siya ng kita dahil sa pandemya. Bunga nito, hirap siyang matugunan ang araw-araw na pagkain ng kaniyang pamilya.
"Paminsan sa isang araw mga dalawang beses lang kaming kumain, pinagtitiyagaan," ani Garcia.
Ang isang anak nila na anim na taong gulang, nasa 28 kilo lang ang timbang at 104 sentimetro ang taas. Sa naturang edad, dapat ay nasa higit 30 kilo na ang bata at mahigit 120 sentimetro ang taas.
Ang isa pa nilang anak na magdadalawang taong gulang, siyam na kilo lamang ang bigat at 75 sentimetro ang taas. Ngunit kung pagbabatayan umano ang standard weight ng bata, dapat ay 15 kilo na siya at 100 sentimetro ang taas.
Maging ang kanilang inang si Alvendia, kulang din sa nutrisyon at tumitimbang lamang ng 31 kilos.
Ayon sa mag-asawa, doble ang naging hirap nila sa pagkayod sa araw-araw para may makain ngayong may pandemiya.
"Nangungutang na lang sa tindahan tapos binabayaran kapag meron na. Gumawa kami sa kanin, 'yung siksik tapos 'yun na lang ang pinapadede namin," ayon kay Alvendia.
Nasa 3.38 percent umano ang malnutrition rate sa Pangasinan noong nakaraang taon, na katumbas ng 8,712 na 0-59 buwang gulang na mga sanggol.
Hindi naisagawa ng provincial health authorities ang regular nilang feeding program sa mga bata sa mga barangay at bayan sa Buwan ng Nutrition Month nitong Hulyo, dahil sa pagbabawal sa mga mass gathering.
Ayon sa mga opisyal, inasahan nila ang pagtaas ng malnutrition rate ngayong taon dahil sa pandemic.
"Marami po ang nawalan ng trabaho dahil nga po sa pandemic at may posibilidad po na food insufficiency na puwedeng mag-lead sa malnutrition po ng mga bata," Dr. Cielo Almoite, Assistant Pangasinan Provincial Health Officer.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News