Hindi ikinahihiya at proud Pinoy pa rin ang dating world boxing champion na si Malcolm Tunacao sa kaniyang bagong trabaho bilang isang basurero sa Kobe, Japan.

"Okay lang sir, proud... 'Yung trabaho ko hindi nanlalamang ng tao. Talagang maganda 'yung trabaho ko, wala akong inaano na tao, marangal na trabaho," sabi ni Malcolm sa ulat ni Chino Trinidad sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

May mataas na pagtingin umano sa mga basurero na kagaya ni Malcolm ang mga tao sa Japan.

Isang paraan ng mga taga-Kobe ang pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang mga bahay sa pamamagitan ng disiplinadong pagtatapon ng basura. Kasama rin dito ang nasa oras na pangongolekta ng basura para makontrol ang COVID-19.

Mas lalo raw naiintindihan ng mga Hapones na katuwang nila ang mga kolektor ng basura ngayong panahon ng pandemya.

"'Yung mga tao 'pag nakita ang mga basurero masaya sila, tapos nirerespeto kami, 'yun ang importante," ayon kay Malcolm.

Nagmula si Malcolm bilang isang palaboy sa palengke ng Pasil, Cebu bago naging isang world champion.

May higit daw na natutunan si Malcolm sa kayamanan na pansamantala niyang natamasa.

"Ang sa'kin sir magsikap lang talaga at saka mag-pray lagi. Ang importante respeto sa kapwa tao. Kasi 'pag wala akong respeto, hindi ako magsisikap, wala, wala lahat," saad niya.

"Ang importante rin masayahin ka na tao, kahit may problema ka, ako sir marami akong nadaanan sa buhay pero sa akin, wala 'yun, masaya ako, tawa lang ako nang tawa, pero may problema pero okay lang 'yun," patuloy ni Malcolm.

Inihayag din niya ang kahalagahan na patuloy sa paglaban sa buhay.

"Hindi tayo susuko sir, basta ang importante magbuhat tayo, hindi tayo susuko. Matalo man tayo o ano, baka bukas manalo tayo. Hindi naman lahat tayo matalo lagi, kasi buhay pa eh. Basta may ambisyon ka lang tapos nagsisikap ka, darating at darating din 'yun para sa'yo," ayon pa kay Malcolm.--Jamil Santos/FRJ, GMA News