Sa buhay ng isang tao, marami siyang alalahanin at marami siyang kinatatakutan na parang ang pakiramdam niya ay may kulang sa kaniyang buhay kaya hindi siya nakakaramdam ng kapanatagan ng isip at kalooban. (Mt. 10:26-33).
Masyadong nag-aalala ang tao sa maraming bagay gayong ang kaniyang "existence" ay sapat na sana para siya ay makuntento at huwag nang magkaroon ng alalahanin dahil sa buhay na ipinagkatiwala sa kaniya ng Panginoon.
Subalit hindi ganoon. Minsan mas nagkakaroon pa ng alalahanin ang tao sa luma niyang cellphone, gusto niyang bago ang kaniyang gadget. Nag-aalala siya at balisa dahil ang kaibigan niya may bago at high-tech na gamit kaysa sa kaniya. Para bang nakasentro na ang kaniyang buhay sa mga materyal na bagay.
Para bang ang isang tao ay hindi mabubuhay kung wala ang kaniyang smart phone o walang high-tech na gadget. Mas lumalabas na mas mahalaga ang materyal na bagay kaysa sa Diyos na nagbigay sa atin ng buhay.
Kapag ganito ang pananaw ng isang tao na isinasaalang-alang ang buhay sa materyal na bagay, nagiging walang katuturan sa kaniyang pananatili sa lupa.
Ipinapaala-ala sa atin ng Ebanghelyo na higit na mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa mga materyal na bagay nang sabihin ng Panginoon na, "Huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa."
Ito ay ang mga bagay na inaakala nating hindi natin kayang mabuhay kung wala ang mga ito sa atin. Ibig lamang ipakahulugan ng Ebanghelyo na mayroong Diyos na mas makapangyarihan kaysa sa ating mga alalahanin at takot.
Mayroong Diyos na mas makapangyarihan kaysa sa mga materyal na bagay na walang namang kakayahang magligtas sa atin patungo sa kaharian ng Diyos.
Higit pa bang mahalaga ang mga materyal na bagay dito sa ibabaw ng lupa kaysa sa mga bagay na magsasalba sa ating kaluluwa?
Ang sinabi ng Diyos na huwag tayong matakot dahil mas higit ang kaniyang kapangyarihan sa anomang bagay na kinatatakutan natin maging ito man ay kapwa tao natin o mga materyal na bagay. Amen.
--FRJ, GMA News