Hindi naging madali para sa isang Pinay na caregiver sa United Kingdom nang magkaroon siya ng COVID-19. Dahil bukod sa senior citizen na siya, hindi pa niya kapiling ang kaniyang pamilya na nasa Pilipinas. Ngunit alang-alang sa mga mahal niya sa buhay, pinilit niyang lumaban at gumaling sa sakit.
Sa episode ng "Survivors," sinabing 15 taon nang caregiver sa UK si Gundelina "Leny" Ramirez.
Madalang daw siyang nakakauwi sa Pilipinas, at 2015 pa nang bumalik siya sa bansa para masaksihan ang kasal ng anak niyang si Beverly.
Setyembre 2019 nang kailangan niyang sumailalim sa operasyon sa kaniyang likod dahil na rin sa kaniyang edad. Dito, pinayuhan siya ng doktor na magpahinga ng anim na buwan para magpagaling.
Nakatakda na sana siyang bumalik sa trabaho nitong Marso nang magkaroon siya ng lagnat. Nang tingnan ang kaniyang pulso, nalaman niyang 42 beats per minute ang rate nito na hindi normal.
"Sabi ko, ayoko ma-ospital. Nakikita ko mga kliyente ko, pag dinadala sa ospital sinasamahan ko sila sa ospital. Mahirap talaga," sabi ni Leny, na tumatanggi pa noong una na tumawag ng ambulansiya.
Bago dahlin sa ospital, nagawa pang mag-message ni Leny sa kaniyang anak.
Isang Pinay na nurse na ang tumawag sa pamilya ni Leny para sabihing positibo ang kanilang ina sa COVID-19.
"Dun na yung parang ano? Bakit? Parang bakit sa dami ng tao doon sa UK, bakit si mama pa yung magkakaskit?" sabi ni Beverly.
Isinailalim si Leny sa CPAP o Continuous Positive Airway Pressure machine nang nahirapan na siyang huminga. Ilang oras pa ang nakalipas, dinala na siya sa Intensive Care Unit (ICU).
Taimtim na ipinagdasal si Leny ng kaniyang pamilya, kabilang na ng kaniyang mga apo.
"Jesus, sana po mapagaling N'yo na po si lola My para pagkatapos nitong COVID-19 na ito, masaya namin siyang makasama," dasal ng apo ni Leny.
Dininig naman ng Diyos ang kanilang panalangin nang bumalik sa normal ang kondisyon ni Leny matapos ang tatlong linggo. Matapos ang 50 araw sa ospital, doble negative na si Leny sa COVID-19.
Binigyan siya ng sarili niyang carer ng National Health Service ng anim na linggo para tulungan siyang makapagpagaling sa kaniyang tinitirhan, kung saan nag-iisa lang siya.
"'Yun ang namamalengke sa akin, 'yun ang naglilinis nitong maliit kong bahay. Sabi ko nga noong araw ako nag-alaga ng matatanda ng kliyente ko ngayon ako ang inaalagaan," sabi ni Leny.
"Kayo ang nagbibigay sigla sa buhay ng aming mga elderly dito. Yun ang sabi nila sa amin kaya I am proud na maging carer ako," paghikayat ni Leny sa mga kapwa caregiver na huwag maliitin ang kanilang trabaho.-- FRJ, GMA News