Darating ang araw. Tayo ay hahatulan ng Diyos base sa naging buhay natin dito sa lupa. (Matthew 13:24-43)
_____________

May kuwento noon na isang magnanakaw ang masyadong madasalin. Pagkatapos niyang magnakaw ay dadaan siya sa simbahan para magpasalamat dahil hindi siya nahuli. Sasagot naman ang nakapako sa krus na si Kristo na, "Mapalad ka anak."

 


Laging ganoon ang ginagawa ng magnanakaw pagkatapos niyang gumawa ng masama, dadaan sa simbahan at magpapasalamat. Ganun din lagi ang sagot ng sa kaniya ni Krista na nakapako sa krus, "Mapalad ka anak".

Isang araw, nagtataka na ang lalaki sa sagot ni Kristo sa kaniya nagtanong na siya: "Lord, bakit lagi niyo pong sinasabi na "mapalad ka anak" pagkatapos kong magnakaw?."  Sumagot sa kaniya ang Kristong nakapako sa krus: "Mapalad ka at nakapako ako kundi matagal na kitang tinadyakan."

Ang naturang kuwento ay sumasalamin sa katotohanan na may mga taong palasimba at madasalin para humingi ng tawad pero patuloy naman na gumagawa ng kasalanan.

Sa ating Ebanghelyo (Mt. 13:24-43), na talinhaga tungkol sa damo sa triguhan, mababasa natin na dalawang tao ang naghasik o nagsaboy ng mga binhi sa bukid. Ang isa ay naghasik ng mabubuting binhi samantalang ang isa naman ay naghasik ng damo.

Ipinaliwanag ni Hesus sa Kaniyang mga Disipulo na ang bukid ay ang mundong ginagalawan natin at ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ang Anak ng Tao na tumutukoy sa Kaniya. Samantalang ang Diyablo naman ang naghasik ng masamang binhi o mapanirang damo.

Pinatunayan nito na dalawang klase ng tao ang nabubuhay sa mundo. Kung mayroong mabubuti, mayroon din naman masasama o mga taong maitim ang budhi.

Binigyan tayo ng Panginoong Diyos ng kalayaan na mamuhay nang ayon sa ating kagustuhan. Hinahayaan Niya tayong magpasya para sa ating sarili kung anong klase ng buhay ang ibig natin.

Tayo ang bahala, tayo ang magpapasya,  basta't tatandaan lamang natin na hindi forever ang ating panunuluyan sa lupa. Ang lahat ng bagay ay may simula at mayroong din katapusan.

Kailangan maging handa tayo sa anumang ibubunga ng buhay na ating tinahak--mabuti man ito o masama.

Darating ang araw ay huhusgahan tayo ng Diyos base sa naging pagtrato natin sa ating kapwa. Sinabi Niya na: "Whatever you have done to these least Brothers of mine. You have done it to me".

Ang mga mabuting ginawa natin sa ating kapwa ay para na rin nating ginawa kay Hesus. At ito ang ating magiging pases papasok sa Kaniyang kaharian.

May mga taong pinanghihinaan ng loob sapagkat sa kabila ng kabutihang kanilang ginagawa ay tila mas namamayagpag pa rin ang kasamaan sa ibabaw ng lupa.

Pero bakit kailangan nating ikumpara ang ating kabutihan sa ginagawa nilang kabuktutan o kasamaan? Ang ibig ba natin sabihin ay magpapakasama na rin tayo dahil sa ang kapwa natin ay gumagawa ng masama?

Bakit natin kailangang kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama o nasa kadiliman? Sila pa nga ang higit na dapat mainggit sa atin sapagkat tayo ay namumuhay sa liwanag at katahimikan, mayroong tayong kapanatagan ng puso at isip.

Mayroong tinatawag na "divine justice." Kaya hindi totoo ang kasabihan na "eat, drink and be merry because tomorrow you die." Hindi totoo na ang buhay ay hindi pahabaan, sa halip ay pasarapan.

Hindi tayo nabubuhay sa mundo para sa ating sarili lamang. Tayo ay nabubuhay para din sa mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw. Kaya dapat gawin natin itong makabuluhan.

Ang Diyos ay naghahasik ng kabutihan at pawang kabutihan lamang ang magmumula sa Kaniya. Kaya mapalad pa rin ang mga taong sinisikap mamuhay sa katotohanan at kabutihan.

Ang mga tao ay naaakit gumawa ng masama sapagkat ang lahat ng bawal at masama ay nakakaakit. Tulad ng pakikiapid, pagkagumon sa salapi at kapangyarihan.

Ito ang sinasamantala ng Diyablo na isang mapanlinlang.  Ginagawa niyang mang-akit para mahulog sa kasalanan ang mga tao. Hindi siya gagamit ng mga bagay na pangit, sa halip, magaganda ang kaniyang ipakikita para mahulog sa kaniyang bitag.

Pagnilayan natin. Saan kaya tayo dadalhin ng magagandang bagay na ito? Saan kaya hahantong ang ating kaluluwa sakaling tikman natin ang mga bagay na ipinang-aakit ng Diyablo?

Amen.

 

--FRJ, GMA News