Naging kritikal ang lagay ni Dr. CJ Castillo nang mahawahan siya ng COVID-19 sa pagtupad sa kaniyang tungkulin. Dahil sa virus, 12 araw siyang na-intubate, nawalan ng malay at pumalya pa ang baga. Pero ang doktora, nakipaglaban sa sakit at ngayon ay kabilang na sa mga COVID-19 survivor.
Isa si Dr. CJ sa mga kauna-unahang frontliner na nagkaroon ng COVID-19 sa bansa, na itinampok sa "Frontliners" ng GMA Public Affairs.
Kinailangang i-quarantine ang frontliners ng VRP Medical Center sa Mandaluyong matapos na hindi umano magsabi ng totoo ang isang pasyente tungkol sa kaniyang travel history.
Isa si Dr. CJ, 30-anyos, sa mga naglalagay ng "tubo" sa pasyente na nakakonekta sa ventilator upang makahinga.
Pero ilang ilang araw nito, nagpakita na rin siya ng mga sintomas ng sakit tulad ng pagtatae, at lagnat na nasa 38 hanggang 40 ang temperatura.
"Masakit talaga, masakit. Kapag naaalala e, nakakaiyak. Kasi hindi lang siya basta COVID e, nag-50-50 siya eh," sabi ng ina ni CJ na si Citas Castillo.
Tumawag daw ang ospital sa pamilya ni CJ na kailangan siyang i-intubate.
"Since lagi kong napapanood sa news, nababasa sa newspaper, sa Facebook, na 'yung mga nai-intubate, namamatay. Kaya kung maaari ayaw ko sanang ipa-intubate," ayon pa kay nanay Citas.
"Lord kayo nang bahala sa akin. Mangyari kung ano ang mangyari, but I lift everything to You," panalangin ni CJ nang malamang ipapa-intubate siya.
Tumagal ng 12 araw ang pagka-intubate sa kaniya, at nagkaroon pa siya ng Acute Respiratory Distress Syndrome (ARDS) na kumplikasyon na dulot ng COVID-19 kung saan pumapalya ang baga ng pasiyente.
Ayon kay Dr. Ian Masaga, kasamahan ni CJ, tila naging 60-40 pa ang laban ng doktora.
Pero matapos ang 12 araw, tuluyang nagkamalay si CJ. Hindi aniya siya makapaniwala na matagal siyang nawalan ng malay.
"Na-realize ko na may mission ako, and my mission is to share my story to my patients, give them hope and inspiration na hindi porke't ma-ICU ka, mamamatay ka. 'Yung mga doctors mo gagawin lahat ng kaya nila para mabuhay ka," sabi ni Dr. CJ.
Tunghayan ang buong kuwento ng matapang na laban ni Dr. CJ sa COVID-19 sa video sa itaas. --FRJ, GMA News