"Hero" para sa mga pasaherong walang masakyan ang ilang driver na nag-aalok ng libreng sakay ngayong umiiral ang General Community Quarantine (GCQ).

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing kalbaryo ang inabot ng ilang pasahero na balik-trabaho na sa unang linggo ng GCQ dahil sa kakulangan sa mga pampublikong sasakyan.

Marami sa kanila ang walang masakyan at naglalakad ng kilo-kilometro para lang makapasok sa trabaho.

Isa si Eric Granado, company driver sa Makati, na nag-aalok ng libreng sakay sa Commonwealth Avenue gamit ang sariling sasakyan sa tuwing walang ihahatid na empleyado nila.

Ginagawa raw ito ni Eric simula nang ipatupad ang ECQ sa Metro Manila. Bumibiyahe na siya 5 a.m. pa lang mula sa kaniyang bahay mula sa Camarin, Caloocan.

"May nasasabay ako minsan pati 'yung mga security guard, naglalakad sila ang layo all the way from COA to Banawe, nilalakad nila 'yun, maaawa ka na lang talaga," sabi ni Granado.

Kuwento ni Granado, may mga natatanggap siyang mensahe nang i-post niya online ang kaniyang cellphone number para sa mga taong gustong magpahatid.

Tinatanggap pa rin ni Granado ang mga pasahero kahit out of the way na walang inaasahang kapalit.

Si Ronald Sy naman, may nakitang lalaki na sumabit sa truck dahil walang masakyan.

Isinakay na lang daw ito ni Ronald sa Las Piñas saka ibinaba sa LRT para makapasok sa trabaho sa Quezon City.

Mas pinili naman ng tricycle driver na si Dave Battad na magbigay ng libreng sakay para sa mga frontliner at empleyadong balik-trabaho sa halip na mamasada sa kanilang lugar sa Olongapo.

Ayon kay Mang Dave, nagbibigay din siya ng mga face mask sa mga pasahero.

"Hindi ko alam kung magkakasakit ako o hindi, basta inisip ko na lang po makatulong sa tao ng libreng sakay," sabi ni Battad.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News