May mga taong malakas ang dating na tila naninindak na o "intimidating" para makuha ang gusto nila.  Paano nga ba makokontrol o malalabanan ang pagkasindak?

Sa programang "Mars," ipinaliwanag ni Dr. Richtoffen De Jesus, psychologist, na ang paninindak o intimidation ay isang "state of mind" ng taong inaakalang sinisindak, at hindi ng taong sinasabing naninindak.

"Hindi 'yung nagse-send, it's the one receiving it," ayon kay de Jesus.

Kapag nasindak ang isang tao, nakakaramdam siya ng panliliit sa sarili, walang kakayahan at pagiging mas mababa sa taong kinatatakutan niya.

Kaya ang pinakaapektado sa isang taong nasindak o "intimidated" ay ang kaniyang composure. Ilan sa mga senyales ay napatiklop siya sa isang taong malakas ang dating, o 'di kaya'y nauutal.

"So 'pag biglang na-rattle 'yung composure mo, that's it, intimidation sinks in, your self-confidence becomes low, and most especially, your assertiveness disappears," anang psychologist.

Para malabanan ang pagkasindak, kailangang isipin na kapareho o katulad ka lamang ng taong nag-i-intimidate sa iyo.

Kung ang taong nakakasindak naman ay "person of authority" tulad ng boss sa trabaho, isipin din na ang mga pangangailangan niya ay kailangan mo rin, at kausapin na parang magka-level lang kayo.

Payo si De Jesus, magpraktis sa bahay lalo NA sa harapan ng salamin.

Sinabing ang tao raw ay may mirror neuron sa utak, kung saan nararamdaman nila ang nakikitang demeanor ng ibang tao.

Kaya pagpapraktisan ang maganda, light, friendly, bubbly na demeanor para masanay sa kahit na anong sitwasyon.

Katulad ito ng training ng mga nasa call center, na pinapakinggan ang sarili nilang boses para maging kalmado kahit galit na ang customer.

Sa huli, pinayo rin ni De Jesus ang malalim na paghinga para mawala ang pagkasindak.

Panoorin ang buong talakayan sa naturang paksa ng "Mars."-- FRJ, GMA News