Parte na ng buhay ng mga Pilipino ang pagtaya sa lotto, sa pag-aasam na maging instant millionaire rin sila.
Sa paglobo ng jackpot (mahigit sa P500 million) ng lotto 6/58 para sa draw nitong araw, hahaba na naman ang pila ng mga nangagarap sa umangat sa buhay.
Ngunit, kahit ang tinagurian nating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal ay tumaya at minsan ding nanalo sa loterya noong araw.
Ayon sa kasaysayan, tumaya at nanalo rin sa lotto si Rizal, dahil naniniwala siyang makakatulong ito sa kawanggawa.
Inilahad ni Dr. Jimmuel Naval, historian at pop culture expert, ang mga pinaggamitan ni Rizal sa napanalunan niyang pera.
"Tumaya si Rizal sa lotto. Ito ay isang spin-based lottery. Ang napanalunan niya dito ay pinambili niya ng lupa sa Dapitan at 'yung kalahati ay ibinigay niya sa tatay niya. Naniniwala kasi siya na 'yung lotto ay makakatulong sa kawanggawa. 'Yun pa 'yung nakita niya. Nakita niya rin sa kaniyang propesyon bilang doktor kasi libre ang paggamot ng mga mahihirap para sa kaniya," pahayag ni Dr. Naval sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes.
Isa lamang ito sa mga palatandaan na ang pagtaya sa lotto ay sumasalamin sa ating kasaysayan at kasalukuyang lipunan ng mga Pilipino.
Sa tala ng PCSO, marami na rin ang naging milyonaryo nitong taon dahil sa pagtaya sa lotto.
Ayon sa PCSO, may 39 bagong millionaires na nanalo ng mga lotto jackpot prices sa taong ito. —Jamil Santos/LBG, GMA News