Makaraan ang ilang linggong paghihintay, lumabas na ang resulta ng DNA test kina Marites Tolentino at Gina Castillo, at isa sa kanila ang kompirmadong tunay na ina ni Ryan Mendoza, ang Pinoy na lumaki sa Italy matapos siyang ampunin noong sanggol pa. Panoorin ang ginawang pagtutok ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa video na ito.
Muling bumalik sa Pilipinas si Ryan mula sa Italy upang personal na mayakap kung sino man kina Marites at Gina ang lalabas na tunay niyang ina batay sa resulta ng DNA test.
Ilang linggo ring hinintay ang resulta ng DNA test at ilang babae ang nagpakilala at inakalang tunay na ina ni Ryan, na inampon noong sanggol pa lang siya at dinala sa Italy.
Nang malaman ni Ryan na ampon na lang siya, kaagad niyang plinano ang pag-uwi sa Pilipinas upang hanapin ang ina para masagot ang maraming katanungan sa kaniyang pagkatao.
Nais din daw ni Ryan na malaman kung bakit siya ipinambayad sa utang gaya nang kaniyang pagkakaalam na dahilan kung bakit siya ipinaampon.
Isang pari sa Catanduanes at isa niyang parishoner — sina Father Nick at Charie — ang unang nagpaabot sa KMJS team tungkol sa plano ni Ryan na paghahanap sa ina.
“Lumapit sa akin ‘yung parokyano ko. Sabi niya, ‘Father, may kaibigan po ako na OFW sa Italya at narito siya para hanapin ‘yung kanyang tunay na magulang…Father, ilapit natin kay Jessica Soho,” sabi ni Father Nick.
Isa mga impormasyon na nakuha ni Ryan tungkol sa kaniyang tunay na ina na isa itong nagtatrabaho sa club at nabuntis.
Dahil sa wala na raw pambayad sa inuupahang bahay, iniwan na si Ryan bilang pambayad, hanggang sa mapunta kay Aling Toyang na nagtitinda ng isda, at ipinaampon naman siya sa mag-asawang walang anak at dinala si Ryan sa Italy.
Sa mga babae na unang inakalang ina ni Ryan, isang babae na kulang sa pag-iisip ang lumutang--si Marites. Sa tulong ng mga kapatid nito, ikinuwento nila na posibleng si Ryan ang nawalay nilang kaanak.
Niligawan umano si Marites ng isang lalaking na malaki ang agwat ng edad at nagsama ang dalawa at nabuntis. Pero kinalaunan, nagkahiwalay ang dalawa.
Ngunit nang isilang si Ryan, kinuha umano si Ryan ni Aling Toyang para ipaampon sa mag-asawang walang anak. Pero paglilinaw nila, wala silang perang tinanggap mula kay Aling Toyang.
Si Gina ang tumutugma sa inakalang kuwento ni Ryan dahil nagtatrabaho ito sa club at nabuntis.
Ngunit batay na rin sa nakaraang episode, sinabi ng isang anak ni Aling Toyang na posibleng hindi rin inilahad ng kaniyang ina ang totoong kuwento tungkol sa ina ni Ryan.
Nang ipaalam ang resulta ng DNA test, nasa isang hotel sina Ryan, Marites at Gina pero nasa magkakaibang kuwarto.
At nang ilahad na ang resulta ng DNA test, si Marites ang lumitaw na tunay niyang ina at hindi si Gina.
Unang pinuntahan ni Ryan ang kuwarto kung nasaan si Marites at mga kapatid nito para mayakap sa unang pagkakataon ang tunay na ina. Kasunod nito, kusang nagtungo rin si Ryan sa kuwarto kung nasaan si Gina para ipaabot ang kaniyang pag-asam na makita sana nito ang kaniyang tunay na ina.
Bago bumalik sa Italy, sinamantala ni Ryan ang mga araw na kapiling ang kaniyang ina at binigyan pa siya ng sopresa para sa kaniyang nalalapit na kaarawan.
Panoorin ang masayang pagtatagpo nina Ryan at tunay niyang ina na si Marites.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ,GMA News