Gunigunita tuwing ika-12 Hunyo ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Pero alam ba ninyo na dating ipinagdiriwang ang okasyong ito tuwing Hulyo 4?

Ayon sa  Official Gazette, dating ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan tuwing Hulyo 4, simula noong 1946 matapos kilalanin ng dating mananakop na Amerika ang pagsasarili ng Pilipinas sa pamamahala sa ilalim ng liderato ng noo'y si Pangulong Manuel Roxas.

Ginanap ang seremonya sa pagiging malaya ng Pilipinas sa kamay ng US sa Luneta kung saan itinaas ang watawat ng Pilipinas, at ibinaba naman ang bandila ng Amerika.

Pero nang manungkulan na si Pangulong Diosdado Macapagal,  nagpalabas siya ng Proclamation No. 28 noong 1962 na naglilipat sa petsa ng paggunita sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, sa halip na Hulyo 4.

Ang Hunyo 12, ang petsa nang magdeklara ang kinikilalang unang pangulo na si Emilio Aguinaldo at ang kaniyang rebolusyonaryong gobyerno [ noong1898], nang kalayaan laban sa mga mananakop na Kastila.

Noong 1964, nagpasa ng batas ang Kongreso [Republic Act No. 4166] na pormal na nagdedeklara na Hunyo 12 na ang paggunita sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. 

Samantala, ginawa namang Philippine Republic Day ang Hulyo 4. -- FRJ, GMA News