Kapwa lumaki sa hirap ang mag-asawang Sandy at Abby Tiozon. Kaya nang sila ang magkatuluyan, nagsumikap sila sa kanilang trabaho para mairaos ang pangangailangan nila sa araw-araw.  Pero sinubok pa rin sila ng kapalaran nang mawalan ng trabaho si Sandy. Hanggang sa dumating ang kanilang suwerte na nagsimula sa isang tambiyolo. Panoorin ang kanilang kuwento sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Noong kabataan nila, tumutulong si Sandy sa kaniyang mga magulang sa pagbebenta ng pagkain. Samantalang si Sandy, naranasang magtapon ng basura at pumasok bilang kasambahay sa murang edad.

Sakabila nito, nagpatuloy sila sa pag-aaral kung saan nagkakilala sila sa paaralan na kanilang pinasukan.

Dahil halos magkapareho ang kanilang buhay,  madali silang nagkasundo, nagkapalagayan ng loob, at sila na rin ang nagkatuluyan.

Nakapasok si Sandy sa isang events agency at inatasan siya ng kaniyang manager na maghanap ng tambiyolo para sa kanilang raffle. Dahil may kilalang mga supplier ang tatay ni Abby, nakapagpagawa sila ng isang tambiylo.

Pero nakaalitan ni Sandy ang kaniyang amo kaya siya napatalsik sa trabaho at pinabayaran pa sa kaniya ang tambiyolo.

Inilihim ni Sandy sa asawa na wala na siyang trabaho. Tuwing umaga, umaalis ng bahay na nakabihis na parang papasok sa opisina pero ang totoo, may baon siyang damit para pumasada ng padyak

Nang paubos na ang kanilang ipon, naisip ni Sandy na ibenta ang ipinagawa niyang tambiyolo sa isang online advertising. Laking gulat nila nang malaman nila na marami palang kumpanya ang naghahanap ng tambiyolo. Mula noon, pinasok na nila ang reselling ng mga tambiyolo.

Taong 2015 nang makaipon sila ng sapat na puhunan para itayo ang sarili nilang pagawaan ng tambiyolo. Nagkaroon na sila ng mga materyales at sarili pang shop. Hanggang sa dumating ang pinakamalaki nilang order na tuluyang nagpabago sa kanilang buhay.

Ngayon, mayroon na silang dalawang bahay at lupa at condo unit at dalawang kotse, at lumawak na rin ang kanilang negosyo.

Dahil laki sila sa hirap, ngayon pa lang ay tinuturuan na nila ang kanilang mga anak na mag-ipon.  Panoorin sa "KMJS" ang kuwento ng kanilang buhay, at makakuha ng inspirasyon upang huwag sumuko sa mga pagsubok na darating.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--Jamil Santos/ FRJ, GMA News