Marami ang muling gumagamit ng plastic bottle para lagyan muli ng tubig para makatipid o kaya naman ay mag-recycle. Pero alam ba ninyo na hindi lahat ng plastik na botelya ay ligtas gamitin at posibe pang magdulot ng sakit sa paulit-ulit na gamit.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nagpaalala ang Food and Drug Administration na hindi lahat ng water at iba pang beverage plastic bottle ay puwedeng paulit-ulit na gamitin.

Sinabi ni Maria Theresa Cerbolles, FDA Officer 4, na may makasulat na numero sa ilalim ng mga plastic battle, o resin identification code na nagsasaad kung puwede o hindi ito puwedeng paulit-ulit na gamitin.

Mas ligtas daw na i-reuse ang may mga nakasaad na numero 2, 4 at 5. Maliban  na lang kung may katagalan na at hindi na maayos ang hitsura ng lalagyan.

Ayon sa FDA, mahalagang ipaalam sa publiko ang panganib ng paulit-ulit na paggamit nang hindi angkop na mga plastic containers.

Kapag walang nakalagay na numero, ibig umanong sabihin ay pang-isang beses lang ito dapat gamitin.

Kapag nakontamina ang plastic bottle, puwede raw na maging sanhi ng diarrhea.
Ang plastic bottles na naiwan at nainitan na sa sasakyan, hindi na rin daw dapat gamitin.

Ayon sa mga eksperto, ang "phthalate" na kemikal na gamit sa pet bottles ay puwede rin daw maging sanhi ng cancer.

"Sa mga plastic kasi, yung mga known chemicals na nagkaroon ng extensive studies, yung BPA at saka yung phthalate. Kasi yung dalawa na yun, may tinatawag silang endocrine disruptor, so ginugulo nila yung endocrine system. So, yung hormones sa katawan yun yung puwedeng maapektuhan nila," paliwanag ni Dr. John Paul E. Ner, toxicologist, East Avenue Medical Center

Payo niya, "If you can avoid using it, avoid using it. Pero kung 'di talaga, once mo lang siya gamitin." -- FRJ, GMA News