Isang taon mula nang ilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kampanya kontra-droga, maraming Pinoy pa rin ang hati ang pananaw sa kung anong paraan ang dapat isagawa para mapuksa ang paglaganap ng bawal na gamot.

Sa special report ni Arnold Clavio sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing suportado ni Manuel Co, chairman ng Barangay Commonwealth, ang kamay na bakal na ipinatutupad na drug war ni Duterte.

"Tama lang ang ginawa ng ating presidente na patayin talaga ang mga 'yan, salot 'yan," aniya.

Pero si Tok Corpus ng Center for Christian Recovery, mas pabor sa hindi madugong kampanya para mabigyan ng pagkakataon ang mga nasasangkot sa droga na makapagbago.

"One-dimensional, police, punitive, is not the only solution nor is it the most effective solution to the problem," paliwanag ni Tok na dati ring drug user. "We deserve an opportunity for treatment."

Ayon kay Co, malaking tulong sa kanilang komunidad ang kampanya kontra-droga ng pamahalaan. Nitong nagdaang taon, mahigit 500 drug users daw ang natukoy sa kanilang barangay.

Si Corpus naman, hindi mga adik ang binibilang kung hindi ang mga nais magbago.

Nagtayo siya ng rehab center para sa mga gaya niyang minsan nang nalulong sa droga.

Mula nang ilunsad ang Oplan Double Barrel, nasa 80,000 na umano ang naaresto at mahigit isang milyon ang sumuko.

Samantala, mahigit 3,000 naman ang napapatay sa mga operasyon ng pulisya.

Ayon kay Co, "Kapag  hindi ka naman lumaban o kaya nagbago ka, wala namang mangyayari sa'yo. Hindi ba sabi ni Presidente, tumigil ka hindi ka mamamatay, hindi ka makukulong. Eh ayaw mong tumigil."

Paliwanag naman ni Corpus, "Sa ibang bansa, labelled talaga na sakit ito. Wala tayong ganun. It's a police issue, it's a criminal issue. So hindi natin talaga matutulungan."

Para sa kapitan ng barangay, kailangan ang kamay na bakal sa pagharap sa problema ng droga.

"Malaking tulong 'yon kasi takot na sila dahil mismong ang Presidente natin ang nagbabala sa kanila na tumigil na sila. Pagka hindi sila tumigil, sabi nga ng Presidente natin, 'papatayin ko kayo.' Kaya natakot sila," paliwanag niya.

Para naman kay Corpus, hindi pananakot ang solusyon; "Kung fear lang yung ano, magiging solusyon niyan, matagal na sana kaming humintong mag-drugs.  Hindi natin mauubos yung addict. Patayin natin, may lalabas, di ba? i-treat natin, may lalabas."

Sinabi pa nito na mahabang gamutan ang kailangan para matulungan ang mga nasasangkot sa droga.

"Ang turning point ko was in treatment. Kapagka tama ang set of people na trying to help you, matutulungan ka," paliwanag niya.

Bagay na hindi naman sang-ayon ang kapitan, "Hindi epektibo yun. Kasi sa karanasan ko, marami kaming mga ka-brgy na dumaan na sa rehab eh, 'pag drinug test namin, positive pa rin eh."

Ipinunto rin niya ang ibang drug user na nasasangkot sa karumal-dumal na krimen tulad ng pagmasaker.

"Pumatay ng anak, minasaker ang buong pamilya. Tapos bibigyan mo pa ng karapatang pantao. Hindi na tao 'yan eh, hayop na yan eh," paliwanag niya.

Sabi naman ni Corpus, panghabambuhay na suporta ang kailangan para maipaliwanag sa iba ang problema tungkol sa paggamit ng droga.

"Hindi totoong walang pag-asa ang isang adik. Pagka nagawa na makatulong tayo sa isang addict, they will become an asset to the society, I believe that," paliwanag niya.

Nagsasagawa ng mga programa si Co sa kanilang barangay para tulungan ang nagpositibo sa drug test.

Samantalang nakikipagtulungan sa gobyerno si Corpus para sa rehabilitasyon ng mga sumukong drug dependent. -- FRJ, GMA News