Sa GMA News program na "iJuander," naging paksa ang pagbabago ng panahon pagdating sa panliligaw ng mga Pinoy. Kung dati ay lalaki ang nanunuyo sa babae, si Cath, ikinuwento kung paano niya diniskartihan ang minamahal na si Michael.
Pagbibigay ng mga bulaklak at regalo, paghatid sa bahay, pagsusulat ng love letters at palagiang pagtawag sa telepono ang ilan lamang sa matagal nang nakagawian ng mga lalaki na panliligaw sa mga babae.
Ngunit kakaibang pag-ibig ang ibinida sa "iJuander," dahil sa halip na si Michael ang sumuyo sa kaniyang kasintahan, si Cath ang dumiskarte sa panliligaw.
Kuwento ni Cath, naaalala pa niya noong ma-love at first sight siya kay Michael.
"Pagkakita ko sa kanya noon, parang 'Wow! Sino 'yon? Guys, ano kaya name niya?' Gusto ko siyang maging friend. Gusto ko siyang makilala pa," saad ni Cath.
Aminado si Michael na kahit naiilang, natutuwa siya sa panliligaw ni Cath.
"'Yung ayaw ko sa kaniya, 'yung lagi niya akong kinukulit dati. 'Yung nagpaalam na nga ako sa kaniya tapos kukulitin niya pa rin ako," anang binata.
Naghihintay si Cath kapag lalabas na si Michael sa eskwelahan at ihahatid niya ito hanggang bahay. Gumagawa rin siya ng mga love letter at paghahanda ng cake tuwing kaarawan nito. Ilan lamang 'yan sa mga pasikat na ginawa ni Cath para magustuhan ng kaniyang nililigawan.
"Actually 'di ko pa naisip na magugustuhan ko siya. Irregular ako [sa klase], gusto ko na ring makatapos kaya wala akong time masyado sa gano'n,' kuwento ni Michael.
At tulad ng ibang lalaki na nawawalan ng pag-asa, kamuntikan din daw sumuko sa panliligaw si Cath. Ngunit dito naman unti-unting nahulog si Michael.
"Hinahanap-hanap ko na talaga. Kumbaga sa isang bagay, wala siya kapag wala 'yung isa. So nasanay na ako throughout the whole sem na iyon na tsina-chat niya ako, tine-text niya ako. Nalulungkot ako kapag 'di siya nagpaparamdam," pag-amin ng binata.
Nagbunga rin ang lahat ng pagod ni Cath nang dumating ang araw na sinagot siya ni Michael.
"Heaven. Hindi mo ma-explain 'yung nararamdaman mo kapag sobrang saya ka. Kumbaga parang nasa cloud nine ka kasi finally, kami na!" paliwanag ni Cath sa kaniyang naramdaman.
Dagdag pa niya, nawala raw ang mga duda sa kanyang isip, "Hindi na ako magseselos. Hindi ko na kailangang isipin kung anong label namin. Masayang masaya na ako," ayon sa dalaga.
Ngayong dalawang buwan na silang magkasintahan, nangako naman si Michael na makabawi sa mga panahong si Cath ang nagsilbi sa kanya.
"Ang mapa-promise ko lang sa kanya, magiging loyal ako, tapat ako. Lahat ng problema, sa kanya ko sasabihin. Maaasahan namin 'yung isa't-isa."
Pahayag ni Bernie Karganilla, isang social scientist, na kumpetisyon ang isa sa mga dahilan kung bakit natututo na rin manligaw ang mga babae sa panahon ngayon.
"Kung mas marami kasing available na babae ngayon kaysa sa available na lalaki at may competition at gusto mong lamang ka sa kumpetisyon, magpapahiwatig ka na," ayon kay Karganilla.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News