Bilang bahagi raw ng kampanya laban sa terorismo, inuobliga umano ng lokal na pamahalaan ng Paniqui, Tarlac ang pagkakaroon ng identification card ng mga Muslim sa kanilang lugar. May mga mungkahi rin daw na ipatupad ito sa buong Gitnang Luzon. Ngunit puna iba, isa itong pagpapakita ng diskriminasyon sa mga Muslim.
Sa lumabas na artikulo kamakailan sa website ng Human Rights Watch, sinabi umano ni Senior Superintendent Aaron Aquino, police regional director, na makatutulong ang sistema para matukoy at maalis ang "undesirable individuals and terrorists.”
Iminungkahi raw ang Muslim-only ID system nang magkabakbakan ang tropa ng pamahalaan at Maute group sa Marawi City.
Si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa, walang nakikitang masama sa sistema na ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Paniqui.
Hindi naman daw nililimitahan ng sistema ang galaw ng mga Muslim na may ID, at tanging layunin nito ay maidukomento sila at matiyak na walang may masamang balak na makakapasok sa lugar.
Ngunit para sa ilang grupo at ilang lider, sinasabing nilalabag ng Muslim-only ID system ang karatapan ng mga Muslim sa “equal protection of the law, freedom of movement, and other basic rights.”
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang lumagda sa International Covenant on Civil and Political Rights at iba pang human rights treaties, upang tutulan ang diskriminasyon sa relihiyon.
Si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman, nangangamba na baka makasama pa sa halip na makatulong ang naturang sistema ng pagpapa-ID sa mga Muslim.
Giit niya, maging silang mga Muslim na para sa kapayapaan ay biktima rin ng mga radikal at terorista.
“The great majority of Muslims in this country has been suffering from senseless acts of violence committed by extremists and terrorists. We appreciate efforts outside Mindanao to fight terrorism, but, please, not through measures that could further worsen the current situation,” saad niya sa pahayag.
Nais ni Hataman na magkaroon ng pag-uusap sa mga lokal na lider tungkol sa planong ipatupad sa iba pang lugar ang sistema, na malinaw umanong nagpapakita ng diskriminasyon sa mga mananampalataya ng Islam, at magdudulot ng mali at delikadong halimbawa.
Si ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, tinawag ang sistema na isang uri ng “Islamophobia.”
"Many cases of Islamophobia has started to emerge like the ID systems for Muslims. As a civilized country, we must counter any discriminatory measure to uphold the fundamental rights of each citizens of this country against any form of discrimination," ayon sa opisyal. – FRJ, GMA News