Ok lang na umikot ang mundo sa taong minamahal pero hindi ok kung umiikot ang iyong paligid gayung hindi ka naman naglilihi o lasing. Aba'y, baka vertigo na 'yan.
Sa talakayang pangkalusugan ng programang "Mars," ipinaliwanag ni Dr. Gerald Singson ng Manila Doctor’s Hospital, ang ilang mahahalagang detalye tungkol sakit na vertigo, at ano ang kaibahan nito sa migraine.
Ayon kay Dr. Singsong, karaniwang iniisip ng mga tao na vertigo ang dahilan ng kanilang pagkahilo pero sa lumilitaw umano na 80 porsiyento ng mga nakararanas ng pagkahilo ay hindi talaga vertigo ang dahilan.
At hindi rin katulad ng vertigo, kung minsan ay wala umanong kasamang hilo ang pagsumpong ng migraine na madalas na nagdudulot ng sakit ng ulo.
Ayon kay Dr. Singson, hindi dapat balewalain ang vertigo dahil maaari itong magdulot ng mas malalang sakit lalo na kung may impeksyon na sa taenga.
May mga paraan din umano para malunasan ang ilang kaso ng vertigo kaya makabubuting ipatingin kaagad ito sa duktor.
At kung sakaling umatake ang vertigo, huwag nang piliting kumilos. Mas makabubuti na umupo na lang muna o iposisyon ang katawan na makababawas sa atake ng hilo.
Panoorin ang buong panayam nina Camille Prats at Suzi Entrata-Abrer kay Dr. Singson upang malaman kung papaano nga ba nangyayari ang pag-atake ng vertigo:
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- FRJ, GMA News