Paninigas at paghihigpit ng balat at internal organs. Ito ang epekto ng scleroderma na isang uri ng autoimmune disease, na patuloy na nilalabanan ng isang 29-anyos na content creator. Ano nga ba ang kondisyon na ito na taglay din ng Queen of All Media na si Kris Aquino, at iba pang impormasyon tungkol sa autoimmune diseases. Alamin.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Coleen Velasco, na 12-anyos siya nang ma-diagnose na mayroon siyang scleroderma. Kapag mayroon nito ang isang tao, naaapektuhan nito ang kaniyang balat, puso, baga, at digestive system.
“Noong una, I lived a relatively normal life. Pero when pandemic came, nagkaroon ako ng severe depression. Doon ako naging physically disabled,” sabi niya.
Ayon kay Velasco, triggered ng stress ang scleroderma. Kaya kapag hindi maayos ang mental health ng isang tao, apektado na rin ang kaniyang pisikal na pangangatawan.
Mula sa pagiging diretso at napagagana pa noon nang maayos ang kaniyang mga daliri, ngayon ay baluktot na ang mga ito magmula noong 2022. Hindi na rin siya nakalalakad dulot ng panghihina ng tuhod.
Ipinaliwanag ng rheumatologist na si Dr. Aileen Agbanlog-Dimatulac, na ang autoimmune disease ay sanhi nang hindi pag-function nang maayos ang immune system ng isang tao. Sa halip na kalabanin nito ang mga bacteria at virus, nilalabanan ng katawan mismo ang mga normal at healthy na cell, tissues at organs nito.
“Hindi na niya ma-recognize ang cells versus non-cells,” dagdag ni Dimatulac.
“Actually, sobrang lakas nga niya. Kasi nga, lahat pati ‘yung normal cells, kinakalaban niya. So, it can affect all parts of our body,” dagdag ng duktor.
Genetics ang karamihan sa dahilan ng autoimmune diseases gaya ng scleroderma o lupus.
Sumunod dito ang environmental trigger gaya ng paninigarilyo, o exposure sa mga kemikal gaya ng simica dust, organic solvents para sa mga may scleroderma, at iba pang chemotherapeutic agents.
Kinumpirma rin ni Dimatulac na maaaring mag-trigger ng autoimmune disease ang stress at kung minsan ay depression.
“And of course, pagka hindi din balance ang lang lahat ng buhay natin, like hindi tama ‘yung mga kinakain natin, puwede rin itong isa sa mga factors na mag-trigger ng autoimmune disease,” sabi pa niya.
Sinabi ni Dimatulac na kailangan na “holistic” ang approach sa isang pasyenteng may autoimmune disease.
“Hindi lang tayo nagde-deal sa mga medication. So, kailangan 'yung mental well-being nila is maayos din. Kailangan healthy din 'yung kanilang lifestyle sa kinakain nila. Dapat tama din 'yung timbang,” paliwanag niya.
Para naman sa ibang taong na may iba-ibang sakit, mayroon silang overlap syndrome na dalawa o higit pang autoimmune disease ang pinu-fulfill ang manifestation ng mga sakit at criteria ng mga autoimmune disease.
Ayon sa rheumatologist, hindi ito curable ngunit nakokontrol.
Pinakamadalas na age group na naaapektuhan ng autoimmune diseases ang reproductive age group o 20 pataas hanggang mga edad 50. Sa kabila nito, ilang mga bata o mga sanggol na mayroon nang arthritis o autoimmune diseases o lupus.
Sa panig ng Philippine Rheumatology Association, may mga advocacy sila para sa early detection, at pagbibigay ng kaalaman tungkol sa mga autoimmune disease.
Mayroon din silang mga patient support group, kung saan bahagi si Velasco, na maaaring magbahagi ng mga kuwento ng kanilang laban sa sakit.
Samantala, nagpaalala si Dimatulac na mag-ingat sa mga kinakain, dahil maaari ring mag-trigger ng autoimmune disease ang food poisoning, gaya ng isang kaso online.
“So pag may bacteria 'yung kinain natin, for example, hindi talagang luto. So may salmonella, shigella, campylobacter. 'Yung mga bacteria ‘yun, puwedeng mag-trigger ng tinatawag nating reactive arthritis na isang autoimmune disease rin. And in rare cases, nagkakaroon din yan ng GBS o Guillain-Barre syndrome na napa-paralized 'yung mga tao because of that infection,” sabi ni Dimatulac.
Si Velasco, tumutulong ngayon para magpalaganap ng kamulatan tungkol sa mga autoimmune disease sa pamamagitan ng kaniyang social media.
“Give and take. Na-inspire ako sa kanila. So, community building ko talaga na tulungan na kahit mahirap ang buhay, masaya pa rin,” sabi ni Velasco. -- FRJ, GMA Integrated News