Patay ang isang lalaking rider at babae niyang angkas matapos silang pagbabaril sa Marilao, Bulacan nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing pauwi na sa inuupahan nilang bahay sa Barangay Lambakin nang pagbabarilin ang mga biktima.

Kaagad silang nasawi dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Ang lalaking biktima, lumilitaw na 34-anyos, habang tinatayang nasa higit 20-anyos naman ang babaeng biktima.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang pulisya ng Marilao habang iniimbestigahan pa ang nangyari.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ilang metro na lang ang layo ng mga biktima sa inuupahan nilang bahay nang pagbabarilin sila ng salarin na tumakas sakay ng motorsiklo.

Nang suriin ng mga awtoridad ang bangkay ng lalaking biktima, may nakuha umano rito ang isang baril, at 38 sachet na may laman na hinihinalang shabu.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, hindi nila masyadong kilala ang mga biktima, na batay umano sa pahayag ng mga kapitbahay ay dalawang linggo palang nangungupahan sa naturang bahay.

Nagkasa naman ng follow operation ang pulisya para tugisin ang salarin.-- FRJ, GMA Integrated News