Nasawi ang isang babaeng senior citizen matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Loon, Bohol.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Pig-ot noong gabi ng April 5.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nagmasid muna bago tumawid sa pedestrian lane.
Malapit na siyang nakatawid sa kabilang bahagi ng kalsada nang dumating ang humaharurot na motorsiklo at nasalpok ang biktima.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at hindi na umabot nang buhay sa pagamutan.
Hindi naman tumigil ang rider ng motorsiklo at tumakas.
Mayroon na umanong person of interest ang pulisya at nangakong bibigyan ng hustisya ang biktima na isang retiradong guro. -- FRJ, GMA Integrated News