Inihayag ng Korean actor na si Kim Ji Soo na si Heart Evangelista ang kaniyang Pinay celebrity crush.
Sinabi ito ni Ji Soo sa mga housemate habang nasa bahay ni "Kuya" bilang house guest sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Nang tanungin ng mga housemate tungkol sa celebrity crush sa Pilipinas, nahirapan pa si Ji Soo na alalahanin ang pangalan ni Heart.
"I forgot the exact name. Love? I think she's called Love [or] Valentine," sabi ni Ji Soo.
Nang sabihin ng mga housemate na "Heart Evangelista," pumalakpak si Ji Soo. Humingi naman siya ng paumanhin na nakalimutan niya ang pangalan ng aktres.
"She's really beautiful, Heart," sabi ni Ji Soo.
Blackpink naman ang isinagot ni Ji Soo nang tanungin tungkol sa kaniyang Korean celebrity crush.
Kabilang na si Ji Soo sa mga Sparkle artist. Napanood na siya sa mga Kapuso series gaya ng "Black Rider," "Abot-Kamay na Pangarap," at "Daig Kayo ng Lola Ko."
Bida rin si Ji Soo sa pelikulang "Mujigae," kasama sina Rufa Mae Quinto at Alexa Ilacad, kung saan gumanap siya bilang isang ama. —mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News

