Sapul sa CCTV ang ginawang panlilimas ng isang lalaki sa pera at cellphone sa isang tindahan sa Laoag, Ilocos Norte. Ang suspek, pumasok na bago ang insidente at nagpalit lamang ng damit.

Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita ang pagpasok ng lalaki sa tindahan habang wala itong bantay.

Naka-itim na damit ang lalaki at may takip siya sa mukha. Nagpatingin-tingin siya sa paligid at lumabas din ilang saglit.

Pagkaraan ng limang minuto, bumalik ang lalaki ngunit iba na ang kaniyang suot na damit at ang takip niya sa mukha. Nakasombrero na rin ang lalaki, pero pareho pa rin ang suot niyang tsinelas.

Dito na nilimas ng lalaki ang pera mula sa kaha. Kumuha rin ang suspek ng sigarilyo at cellphone na nakapatong sa mesa bago tumakas.

Naiulat na sa pulisya ang insidente para matugis ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News