Biglang nagtumba at pumanaw ang isang makeup artist habang rumarampa sa stage sa isang benefit fashion show sa Cagayan de Oro.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, makikita sa video si Randolph "Randy" Santos, na lumalakad sa stage sa naturang fashion show sa isang mall.

Pagtalikod niya upang umalis, mapapansin na napahawak siya sa kaniyang ulo at natumba.

Kaagad siyang dinala sa ospital pero binawian ng buhay pagkaraan ng ilang oras. Nakaranas umano ng heart attack si Santos.

Ayon sa pamilya, mayroon nang maintenance medicines si Randy, na isa ring event organizer.

Bago ang insidente, nagkaroon umano ng sunod-sunod na event sa fashion show si Randy.-- FRJ, GMA Integrated News