Nadakip ang isang lalaking wanted sa pandurukot at panghahalay sa kapitbahay niya na 12-anyos lang noon sa Bulacan. Ang suspek, natuklasang nahaharap din sa kasong murder na 14-anyos naman ang biktima.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing isinilbi ang warrant arrest sa 34-anyos na suspek na isang tricycle driver, na wanted sa kasong consented abduction with rape sa Quezon City.
Inaresto siya kasabay ng Oplan Galugad ng mga operatiba ng Masambong Police Station.
"Na-find out namin na nandito siya for more than three years na, na nagtatago because aware siya na meron siyang warrant of arrest. Gumamit ng ibang pangalan na during that time of his arrest, na-identify ng ating witnesses and na-identify ng ating mga operatiba," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor ng Masambong Police Station.
Ayon sa pulisya, taong 2010 nang maganap ang pandurukot at panghahalay umano ng suspek sa biktima sa Bulacan.
"Accordingly, inabduct nitong suspect itong ating minor at doon niya isinagawa 'yung panghahalay na naging dahilan ng pagkalabas ng warrant of arrest against dito sa suspect na nahuli natin," sabi ni Nicanor.
Pagdating ng suspek sa estasyon ng pulisya, napag-alamang may hiwalay pa palang warrant of arrest ang suspek para naman sa kasong murder, kaya isinilbi ito sa kaniya ng mga awtoridad.
Sa Bulacan din nangyari ang krimen noong 2012, kung saan isang 14-anyos noon ang lalaking biktima.
"'Yung minor na biktima niya is naglalakad sa kalsada, hinarang niya na during that time itong ating suspect ay lango sa alak at nasaksak niya itong bata na naging sanhi ng pagkamatay nitong minor na biktima niya," sabi ni Nicanor.
Nangunguna sa most wanted persons list ng Masambong Police Station ang nadakip na suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News