Inaresto sa bisa ng arrest warrant ang isang 42-anyos na ama sa Pililia, Rizal dahil sa alegasyon na ilang beses niyang ginahasa ang kaniyang anak na menor de edad. Ang suspek, itinanggi ang paratang at inakalang iniurong na ang kaso laban sa kaniya
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Director Rizal, Provincial Police Office, na payapang sumama ang suspek nang arestuhin sa kaniyang bahay.
Batay sa kaso, 13-anyos umano ang biktima nang unang gahasain ng suspek sa kanilang bahay noong 2019. Naulit umano ang pang-aabuso nang maging 15-anyos na ang anak.
Sa piitan, itinanggi ang suspek ang paratang at inakalang iniatras na ang kaso laban sa kaniya kaya nagulat daw siya nang arestuhin siya.
Handa siyang harapin ang kaso upang lumabas ang katotohanan.
Nahaharap ang suspek sa tatlong counts ng kasong qualified rape at act of lasciviousness, at walang piyansang inirekomenda ang korte.--FRJ, GMA Integrated News