Nasawi ang isang mag-asawa na guro at nurse nang masunog ang kanilang bahay sa Lingayen, Pangasinan. Isang mag-asawa rin ang nasawi sa sunog sa Bulacan, kasama pa ang kanilang anak.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi sa Lingayen na sina Weendy Repato, 34-anyos at Ronaly, 31, na hindi nakalabas sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Matalava noong September 14, 2024.
Magkayakap na natagpuan sa kuwarto ang kanilang mga labi.
"Ang sakit. Kahit sana nawala ‘yung bahay namin basta nabuhay ‘yung mag-asawa," emosyonal na pahayag ni Vilma de Guzman, ina ni Ronaly.
Ayon sa tiyuhan ng mga biktima na si Bernardo de Guzman, may nadinig siyang pagsabog na tila mula sa sumabog na liquefied petroleum gas (LPG) tank.
Sinabi ng Lingayen Fire Station, na tumagal ng mahigit 30 minuto ang sunog at mabilis na kumalat ang apoy kaya hindi na nila nailigtas ang mag-asawa.
"Mabilis pong natupok ‘yung second floor. Although in-attempt po ng ating mga bumbero na pasukin, hindi na po talaga kinaya," sabi ni Fire Marshal Inspector Neil Winston Navalta.
Samantala, isang mag-asawa rin at walong-taong-gulang nilang anak ang nasawi nang masunog din ang kanilang bahay sa Bulakan, Bulacan noong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing nangyari ang trahediya dakong 3 a.m. sa Barangay San Jose.
Nakita ang mga labi ng biktima sa loob ng isang kuwarto.
Tinatayang nasa P1milyon ang pinsala ng sunog, at inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.—FRJ, GMA Integrated News