Nasawi ang isang 70-anyos na siklista matapos niyang makasalpukan ang isang motorcycle rider sa provincial road ng Barangay Cabanglotan sa San Juan, Ilocos Sur. Ang rider, nakainom umano.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita na parehong nakahandusay ang siklista at ang rider matapos ang insidente.
Duguan ang motorcycle rider, samantalang nasawi ang siklista habang nilalapatan ng lunas dahil sa matinding sugat sa ulo.
Sinabi ng mga awtoridad na posibleng hindi nakita ng rider ang biktima dahil madilim sa lugar at umuulan noon.
Nakainom din umano ang motorcycle rider.
“Kung wala siyang ilaw, dapat nakasuot siya ng protective gear tulad ng helmet at reflectorized vest,” sabi ni Police Lieutenant Reynald Ramos, Deputy Chief ng San Juan Police Station.
Giit pa ng mga kaanak ng biktima, may suot itong reflector at headlight.
Nasa pagamutan pa ang motorcycle rider habang wala pang napag-uusapan ang dalawang partido.
Gayunman, kung hindi makikipag-ayos ang rider, may planong magdemanda ang kaanak ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News