Labing-limang poste ang natumba nang sumabit at mahatak ng isang truck sa mga kawad sa Marilao, Bulacan. Dalawang ang nasugatan sa insidente at nasa mahigit 700 kabahayan ang nawalan ng kuryente.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing maghahating-gabi nitong Lunes nang mangyari ang insidente sa Mario Santiago Road sa Barangay Lambakin, Marilao.
Isang rider ng motorsiklo, at isang siklista ang nasugatan nang tamaan sila ng mga kable. Sampu sa natumbang poste ay pag-aari ng Meralco.
Sa dami ng natumbang poste, sisikapin umano ng Meralco na itayo ang mga ito bago abutin ng hatinggabi ngayong araw.
Dahil sa insidente, ilang residente ang napilitang matulog sa labas ng bahay dahil sa init. Napipilitan din ang ilang mag-aaral na maglakad dahil hindi madaanan ng sasakyan ang kalsada kung saan nangyari ang insidente.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang driver ng truck.
Ilang bahay na ang nasuplayan ng koryente kaninang tanghali. -- FRJ, GMA Integrated News