Isa umanong U.S. Army soldier mula sa Colorado ang nasawing driver ng Tesla Cybertruck na nasunog at sumabog sa tapat ng Trump International Hotel sa Las Vegas. Pitong iba pa ang bahagyang nasugatan sa naturang insidente.
Sa ulat ng Reuters, sinabing wala pang tiyak na koneksyon na nakikita sa naturang insidente at ang nangyaring pag-atake ng isang pickup-truck sa New Orleans noong araw ng Bagong Taon, na ikinasawi ng 15 tao.
Inihayag din ng FBI na hindi pa malinaw kung isang terror act ang pagsabog ng cybertruck sa Las Vegas.
Ayon sa mga awtoridad, "burned beyond recognition" ang bangkay ng driver ng cybertruck na kinilalang si Matthew Livelsberger, 37-anyos, aktibong sundalo mula sa Colorado Springs.
May lalagyan umano ng gasolina at malalaking firework mortars sa loob ng sasakyan na dahilan ng pagsabok. Pinaniniwalaan na mag-isa lang na kumilos si Livelsberger.
Hinihintay naman ang kumpirmasyon sa DNA evidence at medical records ni Livelsberger.
Sa press conference, sinabi ni Las Vegas Metropolitan Police Department Sheriff Kevin McMahill, na pinaniniwalaan na agad nagbaril sa sarili sa ulo si Livelsberger bago mangyari ang pagsabog.
Isang handgun ang nakita sa paanan ng kaniyang bangkay. Isa pang semi-automatic handgun ang nakita sa sunog na sasakyan, military identification card, isang passport, iPhone at credit cards.
Lumitaw na nakatalaga si Livelsberger sa Army Special Operations Command at naka-leave nang mangyari ang insidente, ayon sa isang Army official.
Tumanggi muna ang Army Special Operations Command na magkomento habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon sa isang kaanak ni Livelsberger na humiling huwag banggitin ang kaniyang pangalan, tagasuporta umano ni President-elect Donald Trump ang nasawing sundalo.
"He thought Trump was the greatest thing in the world," sabi ng kaanak sa Reuters.
Blangko umano ang pamilya ni Livelsberger sa ginawa nito sa Las Vegas.
Sinabi naman ni Las Vegas Sheriff McMahill, na walang lumilitaw na criminal record si Livelsberger.
Nag-iwan naman ng maraming katanungan ang naturang insidente na kinasangkutan ni Livelsberger.
Bukod sa pag-aari ng kumpanya ni Trump ang The Trump International Hotel sa Las Vegas, kilalang tagasuporta ni Trump si Elon Musk, na CEO ng Tesla.
"It's not lost on us that it's in front of the Trump building, that it's a Tesla vehicle, but we don't have information at this point that definitively tells us or suggests it was because of this particular ideology, or... any of the reasoning behind it," ani McMahill.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nirentahan umano Livelsberger ang cybertruck sa Denver noong Dec. 28 at tumigil sa ilang lugar gaya ng Albuquerque, New Mexico, at Flagstaff, Arizona, bago nagtungo sa Las Vegas noong umaga ng Miyerkules.
Natuklasan din na ang Cybertruck at ang pick-up truck na ginamit naman sa pag-atake at pananagasa sa mga tao sa New Orleans ay nirentahan sa pamamagitan ng car-sharing service na Turo, ayon kay McMahill.
Inihayag ng tagapagsalita ng Turo na walang criminal background ang mga nagrenta ng sasakyan para matukoy silang banta sa seguridad. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News