Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ano ang tunay na dahilan ng matinding pagdurugo na humantong sa pagkamatay ng isang 16-anyos na babae sa Cotabato. Bago umano mangyari ang trahediya, nakipagtalik umano ang dalagita sa kaniyang nobyo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing batay sa impormasyon na nakuha ng pulisya, nangyari ang pagdurugo sa biktima matapos umanong makipagtalik sa 18-anyos nitong nobyo.

Ayon sa pulisya, nagkita ang magkasintahan sa bahay ng kanilang kaibigan at doon nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na magsiping.

Gayunman, tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad ng pagpapalaglag o abortion na maaaring naging dahilan kaya nagkaroon ng matinding pagdurugo ang menor de edad na biktima.

“May nangyari sa kanila at nagkaroon ng bleeding so humantong sa pagkamatay ng dalaga. May consent naman sila," ayon kay Makilala Muncipal Police Station Acting Chief of Police, Lt. Col. John Miridel Calinga.

"Isa sa posibleng anggulo, itong possible abortion kasi based doon sa nakita natin na massive bleeding doon sa organ ng babae, so posible na baka nakunan ba ito or may abortion na nangyari,” patuloy niya.

Nakadetine sa himpilan ng pulisya ang nobyo habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Desidido naman ang pamilya ng dalagita na kasuhan ang lalaki, na hindi nagbigay ng pahayag.

Sinisikap pang makuhanan din ng pahayag ang pamilya ng babaeng nasawi, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News