Walong saksak ang tinamo sa iba't ibang parte ng katawan ng isang 76-anyos na babae matapos na hindi niya napautang ang 59-anyos na suspek na babae sa Pigidan, Abra.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, napag-alaman na magkakilala ang dalawa at naninirahan sa iisang barangay.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangungutang umano ang suspek ng P2,000 sa biktima na dating kawani ng gobyerno.
Pero dahil walang pera, hindi napagbigyan ng biktima ang suspek.
Umalis ang suspek at bumalik sa biktima kinalaunan at magpasama sa isang lugar para hanapin ang nawawala umanong lata na lalagyan ng bigas.
Nang makarating sa lugar, doon na pinagsasaksak ng suspek ang biktima.
“Masakit ang loob ng suspek dahil hindi siya nakautang,” ayon kay Police Chief Master Sergent Carlos Trece Beleno, Chief Investigator ng Pidigan Municipal Police Station (MPS).
“Parang hinikayat niya, nakaplano na dahil may kutsilyo siya [yung suspek] sa kaniyang bag,” dagdag niya.
Tumakas ang suspek pero nahuli rin kinalaunan. Nabawi rin ang kutsilyo na ginamit sa krimen.
Nagpapagaling naman sa ospital ang biktima.
Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder.-- FRJ, GMA Integrated News