Patay ang isang 48-anyos na driver matapos siyang magulungan ng kaniyang truck sa national highway sa Davao City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, tumigil ang truck sa KM.12 sa Barangay Sasa nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa mga saksi, bumaba ang driver at nagpunta sa ilalim ng truck na tila may inaayos umano sa bahagi ng hulihang gulong.

Sa hindi malamang dahilan, umusad ang truck at nasagasaan ang biktima.

Wala umanong katulong na pahinante ang driver nang mangyari ang trahedya.

Lumitaw kinalaunan nang suriin ang truck na tanggal ang brake hose ng sasakyan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.--FRJ, GMA Integrated News