Tatlong menor de edad na magpipinsan ang nasawi matapos silang tamaan ng kidlat habang naliligo sa ulan sa Pulilan, Bulacan.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Rexter Enriquez, 16-anyos, Roxanne Enriquez, 12 at April dela Cruz, 11.
Naliligo sa ulan sa labas ng kanilang bahay ang tatlo nang mangyari ang trahediya nitong Miyerkules.
“Habang nagbobola po kami tapos po nung kinuha ko po yung bola dito sa likod ng poste po, nung pagkuha ko po bigla pong kumidlat nang malakas tapos paglingon ko po wala nang malay mga pinsan ko, umuusok po,” sabi ng isang pinsan ng mga biktima.
Isinugod sa ospital ang mga biktima pero hindi na naisalba ang kanilang mga buhay.
“Pinasok ko po dito sa bahay, pinunasan ko po. Tumawag mga kapatid ko ng ambulansya, dinala po namin sa ospital. Pinipilit po nilang i-survive yung tatlong bata, wala na po talaga,” ayon kay Ana dela Cruz, ina ng isa sa mga biktima.
Ayon sa PAGASA, maaaring "ground current" ng kidlat ang nakadisgrasya sa magpipinsan.
“Yung tinatawag na ground current kung saan, kunwari, naliligo sa ulan, siyempre po, basa ang ground. Kapag nag-strike ang lightning doon, talagang malaki ang tyansa na maabot ng current 'yung mga naliligo sa ulan,” paliwanag ni PAGASA weather forecaster Loriedin dela Cruz-Galicia.
Nagpaalala din si Dela Cruz-Galicia sa publiko tungkol sa peligro ng paliligo sa ulan.
“Habang nasa labas ka hindi ka safe. As long as nasa labas ka, ang pinaka safe niyan, ang lagi nating advice, pumasok tayo sa bahay at sturdy buildings,” payo niya.
Pinayuhan din ang publiko na huwag sisilong sa mga puno kapag kumikidlat. Ang mga mangingisda na nasa laot, kaagad na magpunta sa baybayin.
Sinabi pa ng PAGASA na maaaring maglagay ang local government units (LGUs) ng mga lightning sensor sa kanilang nasasakupan, gaya ng mga inilalagay sa mga paliparan.
“Kung meron silang budget, kung may maha-hire nga na meteorologist for DRR purposes, why not? Para mas maganda yun para mas localized, mas tailor fit ang warnings nila sa lugar nila,” sabi ni Dela Cruz-Galicia.—FRJ, GMA Integrated News