Natagpuang may saksak sa bakanteng lote at pumanaw kinalaunan sa ospital ang isang 22-anyos na Sangguniang Kabataan (SK) kagawad sa Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Carlos Miguel Ablao, na SK kagawad sa Barangay San Pedro Afartado sa bayan ng Alcala.
Umaga noong Mayo 28 nang makita si Ablao na duguan at may saksak sa katawan sa bakanteng lote sa Barangay Ligue sa bayan ng Bayambang.
Dinala siya sa ospital pero kinalaunan ay pumanaw din.
Ayon sa pamilya ng biktima, nagpaalam si Ablao na may dadaluhang birthday party noong gabi ng May 27 sa Alcala.
Pero nagpaalam daw ito sa mga kaibigan na aalis sakay ng motorsiklo hanggang sa makita ang kaniyang duguang katawan sa Bayambang, bagay na palaisipan sa kaniyang mga kaanak kung bakit siya napunta sa nasabing bayan.
"Pagdating ko sa ospital sinabi na nasaksak si Migmig (biktima) kaya wala na. Hindi na maibabalik ang buhay niya kahit anong gawin namin… kawawa si Migmig," umiiyak na pahayag ni Digna, tiyahin ng biktima.
"Mabait si Migmig, matulungin at masipag pa, maasahan sa lahat ng gawin... kung sino man ang gumawa kay Migmig, hustisya na lang po," patuloy niya.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang salarin.-- FRJ, GMA Integrated News