Isang 41-anyos na lalaking nakabilanggo na sa New Quezon City Jail Facility sa Payatas, Quezon City ang sinilbihan ng warrant of arrest para sa kasong murder.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing isinilbi ang arrest warrant ng mga operatiba ng Holy Spirit Police Station sa lalaki, na ikalawa sa kanilang most wanted persons list.
Batay sa imbestigasyon, sangkot umano ang lalaki sa pamamaril noong Marso 2024 na ikinasawi ng 39-anyos na lalaking biktima sa Barangay Pasong Tamo.
“Accordingly, doon sa incident na nangyari, namatay po ang ating biktima. At napag-alaman na itong biktima natin nag-iiwan po ng mensahe roon po sa kamag-anak niya. Na itong mga pangalan na ito, kung in case na may mangyari sa kaniya, ito po ang ipa-file natin,” sabi ni Police Lieutenant Julius Jayoma, hepe ng Holy Spirit Police Station Warrant Section.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng lalaking sinilbihan ng arrest warrant.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News