Bukod sa masasakit na salita, nakatikim din ng mga palo at sabunot ang tatlong high school students na lalaki mula sa kamay ng isang babaeng guro sa loob ng isang silid-aralan sa Lubao, Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa video na nangyari ang insidente habang nagkaklase ang guro.
May pagsusulit umano ang klase nang mangyari ang insidente na kinasasangkutan ng mga Grade 9 students.
“Itong ating adviser and teacher got outraged kasi itong mga estudyanteng mga biktima natin ay nagkaroon ng heated arguments… So nakikita doon sa viral video, those victims were subjected to physical abuse and verbal abuse,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Dedrick Relativo, hepe ng Lubao Police Station.
Nanlumo naman ang mga magulang ng mga estudyante nang makita ang kumalat na video.
“Masakit po bilang ina na nakikitang nasasaktan ang anak mo ng ganun ka brutal na pananakit…. at saka teacher pa, siyempre sila yung tumatayong pangalawang magulang kapag nasa school,” ayon sa isang magulang ng mga estudyante.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng Schools Division Office ng Pampanga pero inalis na raw sa puwesto ang guro at inihain na sa Regional Office ng DepEd ang reklamo para sa imbestigasyon.
Ayon naman sa pulisya, mahaharap ang guro sa reklamong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang inirereklamong guro.-- FRJ, GMA Integrated News